TULAD ng Mayon Volcano, handa ang Bicol Volcanoes, isa sa mga bagong koponan sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup, na maglagablab at magdomina sa liga.
“Bicol is famous for volcanoes and we feel tamang-tama ito as monicker for the team – fierce and hot, anytime puwedeng mag-explode,” sabi ni Bicol Volcanoes team owner at president Gil Orense sa ginanap na ika-31 edisyon ng Usapang Sports forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Sinabi ni Orense na kahit isa sila sa mga bagitong miyembro ng liga handa silang makipagsabayan at hayaang mahubog ang kanilang mga manlalaro, na karamihan ay homegrown talents, sa kanilang adhikain na mapataas ang antas ng kanilang paglalaro ng basketball.
“Very modest lang ang target naming, Of course we believe in Cinderella finish, but right now, hindi naming binibigyan ng pressure ang mga players. Kung ano ang kaya nilang gawin at abutin doon muna kami. Anyway, ang main purspose naming when we decided to put up a team ay tulungan ang mga kabataan at mga players na hindi nakalaro sa PBA na maituloy ang kanilang pangarap,” sabi naman ni team co-owner at vice president Mark Tan.
Sa pakikipagtulungan ng LCC Superstores, isa sa pinakamalaki at pinakamaraming retail outlet sa Bicol region, nakikipagtagisan ng lakas at galing ang Volcanoes na kasalukuyang hawak ang 4-2 record sa North Division.
“We owed it to LCC Superstores management. Kung hindi sa tulong nila, baka hindi natuloy ang pagsali naming sa MPBL,” dagdag ni Tan.
Sa naturang forum na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Community Basketball Association (CBA), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), NPC at HG Guyabano Tea Leaf Drinks, pormal ding sinelyuhan ang tambalan ng Bicol Volcanoes at LCC Superstores sa isang Memorandum of Agreement (MOA).
Lumagda sa nasabing MOA sina LCC Department Stores president Ed Ponce, LCC Supermarkets president Eric Poiret at VP for Operations Christian Tan.
“This partnership is part of LCC’s CSR program. We believe that LCC’s mission and vision is aligned with the Bicol Volcanoes battlecry. We have a lot of talents here in Bicol. We hope that this partnership will help in our quest to tap and develop future cage superstars,” sabi ni Ponce.