Bakit ayaw mag-trapik ng Pulis

DOON sa Police Station 6 ng Manila Police District sa may Sta Ana, katabi ng Sta. Ana Church ay laging magulo ang trapik.

Dito ang dulo ng New Panaderos St. kung galing Mandaluyong patungong Maynila na kumakabit sa Pedro Gil.

Sa araw-araw na dumadaan ako rito ay lagi na lang magulon ang intersection.

Ito ay kahit may mga pulis na nakaistambay doon mismo sa lugar na magulo ang trapik sa harap ng Station 6.

Ang nakakainis pa rito, dahilan pa ng trapik yung mga magagarang kotse ng mga pulis pati na rin ang kanilang mobile. At terminal pa ito ng mga tricycle.

Talaga bang hindi kasama sa trabaho ng pulis ang mag-ayos ng trapik? Hindi ba sakop nila ang peace and order? Hindi ba ang trapik ay disorder? Hindi ba trabaho ng pulis ang ilagay sa order ang disorder?

Tinanong ko yung dalawang pulis na malaki ang tiyan na nagyoyosi sa harap ng buhol-buhol na trapik kung puwede nila tulungan ayusin ang trapik.

Pasigaw akong sinagot ng “PULIS KAMI, HINDI TRAFFIC ENFORCER! AT SINO KA PARA SITAHIN KAMI HA!!!”

General Eleazar talaga bang hindi na namin maaasahan ang mga pulis mo na tumulong ayusin ang trapik kahit sa harap nila ay sumasabog na ang gulo?

Parang may mali yata sa usaping ito dahil noong araw ay trabaho ng pulis ang trapik. Sa totoo lang ginawang punish assignment pa nga ito sa mga tiwaling pulis noon kaya pag pulis ka na may ranggo pero nagpapatakbo ka ng trapik, ibig sabihin “kolokoy cop” ka.

Ano sa tingin mo General Eleazar?

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...