APAT katao ang naiulat na nasawi bago tuluyang lumabas ng bansa ang bagyong “Falcon,” Huwebes ng hapon, ayon mga otoridad.
Kapwa nalunod sina Carlos Sedong, 46, ng Gattaran; at Judith Berbano, 42, ng Abulug, sabi ni Atanacio Macalan, pinuno ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Una nang inulat ng mga awtoridad na inanod si Sedong nang subukan niyang tawirin ang Dummun River noong Martes.
Si Berbano nama’y nahulog umano sa bangka at inanod ng Abulug River matapos niyang manguha ng panggatong kasama ang mister, ani Macalan.
Sa Zambales, nalunod din sina Marizol Yeke, 21, at Alison Testimio, 20, matapos anurin habang nagsi-swimming malapit sa baybayin ng Sitio Corocan, Brgy. Lipay-Dingin, bayan ng Iba, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-3 (Central Luzon).
Ayon sa OCD-3, malakas ang water current nang panahong iyon dahil sa ulang pinalakas pa ni “Falcon,” pero di nito opisyal na itinuturing sina Yeke at Testimio bilang biktima ng bagyo.
“They are reported as part, I should say, but reasons [for the drowning] might be different,” sabi ni OCD-3 director Marlou Salazar sa text message sa Bandera.
Sa ulat, sinabi ng OCD-3 na sina Yeke, Testimio, at Ayra Lou Rico, ay nag-inuman pa sa beach bago nag-swimming.
Ayon sa ahensiya, may naganap ding landslide sa Brgy. Malaya, Mariveles, Bataan, sa kasagsagan ng bagyo.
Dalawampung pamilya na binubuo ng 100 katao ang nilikas sa Bataan Export Zone Elementary School ng Mariveles, Miyerkules ng gabi, ngunit pinayagan ding makauwi Huwebes ng umaga.
Sa Cagayan, 284 pamilya o 1,385 katao ang lumikas sa mga bayan ng Aparri, Baggao, Camalaniugan, Gonzaga, Lal-lo, Sta. Teresita, Allacapan, Lasam, at Solana noong kasagsagan ng bagyo, ngunit pawang mga nakauwi na sa kani-kanilang tahanan, ayon naman sa OCD-2 (Cagayan Valley).
Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, may 3,044 pamilya ang naapektuhan ng pagbahang dulot ng ulang dala ng habagat na pinalakas ni “Falcon,” sa limang bayan ng Lanao del Norte.
Lumabas si “Falcon” sa Philippine Area of Responsibility dakong alas-2 ng hapon, at ang sentro nito’y namataan sa layong 655 kilometro hilaga-hilagang silangan ng Basco, Batanes, dakong alas-4, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.
Lumakas pa ang bagyo, na may taglay na hanging may lakas na 80kph malapit sa sentro at bugsong aabot sa 100kph, ayon sa ahensiya. (John Roson)
– end –