FEEL na feel ni Maymay Entrata ang role niya bilang OFW sa bagong Star Cinema romantic drama movie na “Hello, Love, Goodbye.”
Bilang si Mary Dale Fabregas na isang baguhang overseas worker sa Hong Kong at pinsan ng karakter ni Kathryn Bernardo sa kuwento, humugot daw si Maymay ng kanyang emosyon sa nanay niyang OFW din sa Japan.
Alam naman ng lahat kung ano ang naging buhay ni Maymay sa Cagayan de Oro na siyang naging dahilan kung bakit kinailangang mangibang-bansa ang kanyang ina.
“Kasi po lumaki po ako na ang nanay ko OFW, 28 years na po siya sa Japan. So hindi po talaga kami nagsama sa isang bubong. Dahil iyon nga po, malayo ka sa pamilya mo, may mga isasakripisyo ka di ba, na mga iiwan mo sa Pilipinas, titiisin mo iyon kase matagal kang nasa ibang bansa.
“At saka iyong pangungulila mararamdaman mo. Dahil ang iniwan mong pamilya mo ay nandito,” ang emosyonal na pahayag ni PBB Lucky Season 7 Big Winner habang nagkukuwento tungkol sa role niya sa “HLG.”
Pagpapatuloy pa niya, “Pero ngayon po masaya na nasusuklian ko yung mga sakripisyo ng Mama ko. At sobrang proud na proud ako sa nanay ko. Kaya sa lahat po ng mga OFWs saludong-saludo ako sa inyo dahil mahirap ang ginagawa ninyo pero kinakaya ninyo.”
Sa paghahanda naman niya sa kanyang role sa pelikula nina Kathryn at Alden Richards, “Sa immersion po ginamit ko ang pagiging OFW ni Mama. Feeling ko po naging OFW na din ako nung nandoon kami sa Hong Kong eh.
“Nu’ng nadoon na kami pinakiramdaman ko na nag-iisa lang ako du’n, eh. Nag-iisa lang ako sa buhay. Si Nanay naman nasa Japan pa rin, pamilya ko naman nasa probinsiya. So iyung ginawa ng nanay ko ginamit ko po para hindi maging mahirap sa akin pumasok sa character…dahil po sa sakripisyo ng nanay ko,” aniya pa.
Showing na sa July 31 ang “Hello, Love, Goodbye” nationwide directed by Cathy Garcia Molina.