Tamaraws sinuwag ang ika-6 diretsong panalo


Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UP vs UST
4 p.m. Adamson vs
La Salle
Team Standings:
FEU (6-0); UST (3-2); Adamson (3-2); UE (3-3); NU (3-3); La Salle (2-3); Ateneo (2-4); UP (0-5)

LUMAPIT ang Far Eastern University sa isang laro para walisin ang first round ng 76th UAAP men’s basketball tournament sa pamamagitan ng 77-67 panalo sa University of Santo Tomas kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

May 19 puntos si Terrence Romeo pero gumana ang mga laro ng iba pang guards na sina dating season Most Valuable Player RR Garcia at Michael Tolomia para sa Tamaraws na kumamada sa ikalawang yugto upang kunin ang ikaanim na sunod na panalo.

Si Garcia ay mayroong 17 puntos mula sa 4-of-10 shooting bukod sa apat na rebounds at anim na assists habang si Tolomia ay naghatid pa ng 12 puntos at tig-7 rebounds at assists.

“Masaya ako kapag ang mga players ko ay nagbibigay ng extra pass,” wika ni Tamaraws first-year coach Nash Racela.
Ibinuhos ni Garcia ang 12 sa kanyang puntos sa second period para bigyan ang FEU ng 39-37 kalamangan matapos maiwanan ng tatlo, 18-21, ng Tigers.

Si Romeo ang pumalit sa ikatlong yugto nang ibagsak ang 10 puntos para palawigin sa anim ang kanilang kalamangan, 62-56, bago nagtulong sina Romeo, Garcia at Tolomia sa 11-3 palitan at ilayo na sa 13 ang FEU, 74-61.

Nakikita naman ni Racela na mapapalaban pa ang Tamaraws sa Adamson University sa huling laro sa Linggo kaya’t wala pa silang dapat na iselebra.

“We just want them to have a certain level of confidence. But 6-0 is the same feeling as 1-0. It doesn’t guarantee you anything because those are just numbers,” sabi pa ni Racela.

Bumaba ang tropa ni UST coach Alfredo Jarencio sa 3-2 karta at si Karim Abdul ang nagdala ng laban sa kanyang 21 puntos, 11 rebounds at dalawang blocks.

Mabangis na paglalaro ang nakita sa five-time defending champion Ateneo de Manila University para trangkuhan ang 72-64 panalo sa University of the Philippines sa unang laro.

Sina Kiefer Ravena at Chris Newsome ay nagtambal sa 15 puntos na higit na ng lima sa kabuuang iniskor ng Fighting Maroons sa ikatlong yugto para bigyan ang Blue Eagles ng 57-38 kalamangan.

“The past few games saw our third quarter was our waterloo. In this game, we started out strong in the third period,” wika ni Ravena na naging starter uli ng Eagles at tumapos taglay ang season-high 15 puntos.

Read more...