DALAWANG tao ang naiulat na nawawala sa gitna ng mga pagbahang dulot ng bagyong “Falcon” sa hilagang Luzon, ayon sa mga otoridad.
Pinaghahanap pa sina Carlos Sedong, 46, ng Gattaran; at Judith Berbano, 42, ng Abulug, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Cagayan Valley.
Nawala si Sedong noong Martes ng hapon, nang subukang tumawid sa Dummun River matapos magtrabaho.
Nawala si Berbano dakong alas-9 ng umaga Miyerkules, matapos magtungo sa Abulug River para manguha ng kahoy na panggatong, ayon sa OCD.
Sa kasagsagan ng bagyo, 67 pamilya o 305 katao sa mga bayan ng Appari, Baggao, Calamaniugan, Gonzaga, Lallo, Sta. Teresita, Allacapan, Lasam, at Solana ang nagsilikas.
Sila’y pawang mga residente ng baybayin at mababang lugar na isinailalim sa “pre-emptive evacuation” simula Martes ng gabi, at ilan sa kanila’y nakauwi na kaya 200 evacuee na lang ang natitira sa Gonzaga at Allacapan, ani Brian Rivera, operations officer sa OCD 2.
Aniya, may mga naganap na pagbaha sa Lallo, Allacapan, Buguey, at Gattaran, pero hanggang binti lang ang tubig at di nagtagal ay humupa din.
Apat na kalsada ang di nadaanan sa kasagsagan ng pagbaha, pero unti-unti ring humupa Miyerkules.
“Si ‘Falcon’ kasi di naman siya ganoon kalakas. Ang tinitingnan lang nami na makakaapekto sa residents ay ‘yung ulan, pero ‘yung hangin hindi ganun kalakas,” ani Rivera.
Sa kabila nito’y sinuspende ang klase sa lahat ng antas sa Cagayan, habang suspendido ang klase mula pre-school hanggang senior high school sa San Pablo, Alicia, at Cabagan, ng Isabela.
Bukod dito’y nagkaroon ng automatic suspension ng klase sa pre-school hanggang high school sa Batanes at pre-school sa Nueva Vizcaya.
Limang flight patungo at mula sa rehiyon naman ang kinansela dahil sa bagyo.