Hamon sa MWSS at Maynilad, inumin ang tubig sa gripo

 

HINAMON ng Gabriela Women’s partylist ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System at Maynilad na uminom ng tubig na kanilang isinusuplay upang patunayan ang pahayag ng mga ito na safe inumin ang kanilang isinusuplay na tubig.

“Inumin nila ang tubig sa gripo kung talagang safe ito, kahit sa unang tingin ay mukhang malabnaw na iced tea ito. Pineperwisyo na nga ang libu-libong mga nanay, niloloko pa tayo,” ani Gabriela Secretary General Jang Monte-Hernandez.

Ayon kay Hernandez mayroon silang mga natatanggap na reklamo kaugnay ng pagkasira ng tiyan ng ilang residente na sinusuplayan ng tubig ng Maynilad.

“Poor families cannot afford commercial drinking water, that’s why they just use a cloth to filter tap water for their drinking needs. Ang problema, delikado pa rin ito at nagiging sanhi pa ng pananakit ng tiyan ng ilang mga customer ng Maynilad. Ito mismo ang manipestasyon ng kapalpakan ng pribatisasyon ng sebisyo sa tubig,” saad pa nito.

Nanawagan din ang Gabriela sa mga sinusuplayan ng tubig ng Maynilad na kuhanan ng video o litrato ang maruming tubig na isinusuplay sa kanila.

Nais ng Gabriela na magpatupad ng zero billing ang Maynilad at Manila Water hanggang sa maibalik nito sa normal ang suplay ng tubig.

Read more...