DAHIL naging matagumpay ang kanyang pagtakbo sa nakaraang halalan kaya balik sa pagdi-display ng kanyang mga mamahaling kotse ang isang kilalang negosyante sa isang bayan sa Central Luzon.
Noong nakalipas na weekend ay dalawang Ferrari cars ang idineliver sa kanyang bahay na ayon sa aking cricket ay hindi bababa sa P25 milyon ang halaga ng bawat isa.
Isang kulay pula at isang kulay gray ang sinasabing mga sasakyan na dinala sa bahay ni Sir na isang bagong halal na konsehal.
Noong panahon ng kampanya ay low profile muna ang pakulo ng ating bida dahil baka maungkat ang tax evasion case na kinakaharap nito.
Kung dati ay sa harap ng isang mall kadalasang nakaparada ang kanyang kulay orange na Lamborghini Gallardo, noong panahon ng
halalan ay itinago ito pansamantala sa kanilang bodega.
Kilalang car enthusiast si Sir at kaya naman niya itong ipamuhay dahil ipinanganak siyang mayaman.
Madalas na takbuhan ng mga taong gipit ang kanilang negosyo at ito rin ang nagbigay ng empleyo sa maraming tao sa kanilag lugar.
Pero naging laman ng balita ang kanilang pamilya dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis na siyang nagpahina sa kanilang negosyo.
Iyun daw ang nagtulak kaya nagpasya ang ilang miyembro ng kanilang pamilya na pumalaot sa pulitika at dahil sa paggamit ng pera ay nagawa nilang manalo sa nakalipas na halalan.
Ngayong nanalo siya bilang konsehal, sinabi ng aking cricket na aasintahin naman niya sa susunod na eleksyon ang posisyon bilang alkalde sa kanilang bayan tulad rin ng ginawa ng kanyang kapatid sa isa namang lungsod na matatagpuan din sa Central Luzon.
Ang bida sa ating kwento na hinatiran ng dalawang Ferrari cars noong nakalipas na weekend ay si Mr. V…as in Valley.