Cagayan Valley naka-red alert sa bagyo

ISINAILALIM sa “red alert” ang operations center ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council para sa mga posibleng epekto ng pagtama ng bagyong “Falcon” sa rehiyon.

Itinaas ang alerto alas-6 ng umaga Martes, kasabay ng pag-atas sa lahat ng lokal na disaster risk reduction and management council sa Batanes, Cagayan, at Isabela na magpatupad din ng red alert,” ayon sa memorandum na inilabas ni Dante Balao, direktor ng RDRRMC.

Inatasan naman ang mga lokal na disaster risk reduction and management council sa Nueva Vizcaya at Quirino na magpatupad ng “blue alert.”

Bawat lokal na DRRMC ay pinagbabantay sa mga lugar na maaaring magkaroon ng pagbaha at landslide, at binigyan ng kapangyarihan na magpatupad ng pre-emptive o di kaya’y forced evacuation kung kailangan, ani Balao.

Bukod dito, inatasan ang member-agencies ng RDRRMC na siguruhing may tao sa kani-kanilang operations center at nakahanda ang mga response team.

Kaugnay nito, isinailalim naman sa blue alert ang operations center ng National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa posibleng pag-ayuda sa mga awtoridad sa Cagayan Valley.

Isinailalim sa storm warning signal no. 2 ang hilagang-silangang bahagi ng Cagayan, pati ang Babuyan Group of Islands, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.

Signal no. 1 naman ang itinaas sa ibang bahagi ng Cagayan, Batanes, hilagang bahagi ng Ilocos Norte, hilagang bahagi ng Abra, Apayao, Kalinga, Isabela, silangang bahagi ng Mountain Province, at silangang bahagi ng Ifugao.

Lumakas at naging ganap na bagyo si “Falcon” alas-2 ng hapon Martes.

Namataan ang sentro ng bagyo 335 kilometro timog-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan, alas-4 ng hapon, habang tinatahak ang direksyong pa-kanluran sa bilis na 30 kph.

Taglay ng bagyo ang hanging may lakas na 65 kph malapit sa sentro, at mga bugsong aabot sa 80 kph.

Read more...