Aiko hindi pumayag makipag-ayos sa kinasuhang politiko sa Zambales

AIKO MELENDEZ

HINDI nagkasundo sina Aiko Melendez at ang natalong Bise-Gobernador ng Zambales noong nakaraang eleksyon na si Angelica “Angel” Magsaysay-Cheng sa ginanap na mediation hea-ring nitong Miyerkules, Hulyo 11.

Kaya hihintayin ng dalawa ang desisyon ng prosecutor na may hawak ng kaso kung may probable cause ito para idiretso sa korte pagkalipas nang 15 days.

Matatandaang sinampahan ng reklamong libelo ni Aiko si Angelica noong Mayo 7 sa Olongapo Regional Trial Court (Olongapo-RTC). Pero ipinalipat ito ni Angelica sa Pampanga Regional Trial Court na pabor din kay Aiko dahil mas malapit para sa kanya.

Isinangkot kasi si Aiko sa isyu ng droga with matching public film viewing pa at inilibot sa Zambales noong kasagsagan ng kampanya at ito ang naging basehan ng aktres para sampahan ng kaso ang nakalaban sa pulitika ng boyfriend niyang si Jay Khonghun, ang bagong halal na bise-gobernador sa Zambales.

Nadawit kasi ang pa-ngalan ni Aiko ng pangalanan ni Presidente Rodrigo Duterte ang boyfriend niyang si VG Jay na isa sa 46 local executives na nakatala sa Narcolist ng Department of Interior and Local Government (DILG), at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na agad itinanggi ng bise-gobernador.

Sa pamamagitan ng text message, ibinahagi ni Aiko sa BANDERA ang update sa kanilang kaso, “Sa mediation hearing hindi kami nagkasundo kaya hihintayin namin ang desisyon kung may probable cause ang kaso.

“Basta kami alam namin ang totoo kaya gusto namin somebody has to pay for their actions and hindi naman puwedeng papayag na lang ako na masira ang name ko ng ganu’n ganu’n lang. At dapat maging humble,” sabi pa ng aktres.

Nabanggit ng aktres na nag-file raw ng election protest si Angelica at ang gusto umano nitong areglo ay “quits” na lang sila para walang damages na babayaran. “Truth shall prevail in the end,” saad ni Aiko.

After 15 days ay muling maghaharap sina Aiko at Angel sa Fiscal’s office (JT Leonardo Santos) sa Pampanga Regional Trial Court. Samantala, abala si Aiko ngayon sa taping ng Prima Donnas na eere na ngayong Hulyo sa GMA 7.

 

Read more...