Pusong Pinoy pa rin sa Amerika

NEW YORK, USA – Hindi na nga maaaring maipagkamali pa na palaging may Pilipino saan mang panig ng mundo. Dito sa New York, marami tayong mga kababayan na nakasalamuha natin na namumuhay na rin ng mahigit sa 10 o 20 mga taon pa nga.
Marami sa kanila ang nagtungo dito bilang mga nurses. Ang ilan naman, nagtatrabaho sa iba’t-ibang sektor ng kanilang mga propesyon.
At palibhasa dito sa Amerika, may pribilehiyo silang makuha ang kanilang mga mahal sa buhay. Kaya nagiging opisyal na nilang tahanan ang Amerika.
Dati-rati pa nga, maraming mga kababaihan ang pinipiling manganak dito sa Amerika. Kahit pitong buwan na itong mga buntis, itatago nila ang kanilang mga tiyan upang hindi mahalatang buntis dahil hindi na sila papayagan pang mag-biyahe.
Habol lamang nilang manganak sa Amerika dahil automatic ‘anyang American citizen ang bata. Pero nabanggit ng isang Pinay nurse dito na hindi na anya puwede ngayon yang ganyang style. Dahil kahit maipanganak pa ang bata ngayon sa Amerika, isusunod pa rin sa nationality ng ina ang kaniyang anak, at hindi na tulad ng dati na walang kahirap-hirap, American national na ito.
Pero napakasayang malaman na sa kabila naman ng pagtatagumpay ng ilan nating mga Pinoy dito sa Amerika, naroon pa rin ‘anya ang puso nila para sa ating mga kababayan. May ilang nagpahiwatig na nais nilang makatulong sa anumang paraan na pupuwede nilang magawa.
May isang Pinay nurse na nagsabing may isang pamilyang Pinoy na walang sawa ‘anyang tumutulong sa kaniya dito sa New York. Isinasabay ‘anya siya sa kotse ng mag-asawang kapitbahay niya sa pagpasok sa trabaho dahil malaking bagay iyon dito sa Amerika.
At palagi pa ‘anya siyang pinadadalhan ng pagkain kapag nagluto ang mga ito lalo pa ng mga lutong bahay kung tawagin nila. Iyan nga talaga ang walang kamatayang Pinoy style.
Dahil hindi naman pare-pareho ang tao, mayroon din tayong naka-enkuwentrong kabayan na kung puwede nga lamang ay burahin daw niya sa bokabularyo niya na isa raw siyang Pilipino.
Ikinahihiya ‘anya niya ang maraming mga Pinoy pa rin na nagtatago sa Amerika. Gayong napakatagal na panahon na nilang ginagawa iyon, wala na daw kasing plano ang mga ito na umuwi ng bansa, maliban na lamang kung lalabag ito sa mga batas ng Amerika upang maging dahilan ng kanilang deportation.
Lumang tugtugin na nga kasi iyang pag T-TNT. Tangi na lamang yaong mga lumabas na desidido talagang magtago ang siya na lamang nananatili sa mga bansang pinuntahan nila noon tulad ng Amerika.
Pero tulad ng maraming mga bansa ngayon na nagluwag na ng kanilang mga visa requirements sa Pinoy, visa free pa nga ang ilan sa mga ito, natuto na rin silang gumalang at hindi na pipiliin pang mag-TNT. Iyan pa rin ‘anya ang pusong Pinoy.

Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...