Buntis binugbog, muntik pang malitson

ARESTADO ang isang lalaki at pinsan nito matapos nila umanong gulpihin at tinangka pang sunugin ang buntis niyang live-in partner nang sunduin siya ng babae sa inuman, sa Pagbilao, Quezon, ayon sa pulisya.

Nakaditine ngayon sina Alvin Constantino, 22, at Reynaldo Constantino, 36, sa Pagbilao Police Station habang hinahandaan ng kasong frustrated murder in relation to Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Law, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Lumabas sa imbestigasyon na dakong alas-9 ng gabi Huwebes ay sinundo ng 3-buwang buntis na si Irene Prietos si Alvin mula sa pakikipag-inuman kay Reynaldo sa Sitio Kempee, Brgy. Kanlurang Malicboy.

Pagdating ng babae ay bigla na lang umano siyang pinagsusuntok at pinagsisipa nina Alvin at Reynaldo, hanggang sa binuhusan pa ng kerosina at tinangka pang silaban gamit ang isang lampara, ayon sa ulat. Sa kabila nito’y nakatakas ang babae at nakahingi ng saklolo.

Nadakip ng pulisya sa follow-up operation sina Alvin at Reynaldo. Ang babae nama’y sumailalim na sa medical examination kaugnay ng pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.

Read more...