Lady official butatasa pangarap na posisyon

MAY lihim na tampo kay Pangulong Duterte ang isang opisyal ng isang money-generating agency ng pamahalaan.

Ang buong akala niya ay siya na ang ipapalit ng Pangulo bilang pinuno ng nasabing ahensya makaraang mapatalsik ang dating lider nito dahil sa “special operation” na ginawa sa kanya ng bida sa ating kwento ngayong araw.

Pero imbis na siya ang piliin bilang bagong chief executive officer sa ahensya ay ipinagkatiwala ito ng Pangulo sa isang mahusay at mas mapagkakatiwalaang police officer.

Sinabi ng aking cricket na tila gumuho ang mundo ni “Madam” nang ianunsyo ng Malacanang na may napili na sila na bagong pinuno ng nasabing tanggapan ng pamahalaan.

Noon pa man ay target na niya ang nasabing pwesto dahil nga naman sa perang umiikot dito, ayon pa sa aking cricket.

Iyon daw ang nagtulak kay Madam na gumawa ng ilang paraan na siyang naging dahilan kaya nasipa sa pwesto ang dati niyang boss.

Ilang beses na ring nakaladkad sa kontrobersiya ang pangalan ng ating bida at sa tuwing magiging laman siya ng mga balita ay laging may kasangkot ditong pera.

Malamang ay iyon ang dahilan kaya hindi siya ang piniling Pangulo na mamuno sa naturang ahensya ng gobyerno dahil alam niyang marupok pagdating sa pera ang ating bida.

Idinagdag pa ng aking cricket na huwag na raw akong magtaka kung isang araw ay gawan din niya ng isyu ang bagong pinuno ng ahensya na ating tinutukoy dahil sa totoo lang ay atat na atat si Madam na pamunuan ito.

Ang bida sa ating kwento ngayong araw na unang sumikat dahil sa kanyang involvement sa ilegal na sugal ay si Miss S…as in Salapi.

Read more...