‘Katangi-tangi ang mga fans nina Kathryn at Daniel!’


NGAYON pa lang ay handang-handa na ang mga tagasuporta nina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa pagpapalabas ng kanilang pelikula sa July 31.

Magsasanib-puwersa ang kanilang mga tagahanga para maging blockbuster ang “Hello, Love, Goodbye,” hindi nila pababayaan ang kanilang mga idolo, lalo na ang mga tagasuporta ni Kathryn.

May kani-kanyang screening nang nakahanda ang mga propesyonal na tagahanga ni Kathryn, uulitin nila ang matinding suportang ibinigay ng grupo sa “The Hows Of Us” nila ng kanyang ka-loveteam at boyfriend na si Daniel Padilla, kaya nakakahon na ang tagumpay ng tambalan nila ni Alden Richards.

Kilig na kilig hindi lang ang mga loyalista nina Alden at Kathryn, kahit ang mga kaibigan naming hindi naman mahilig manood ng lokal na pelikula ay nahihikayat na manood, sa trailer pa lang daw kasi ay nandu’n na ang patunay na makabuluhan ang pelikula.

Walang katotohanan ang pinalulutang na balita ng ibang kampo na iboboykot ng mga KathNiel fans ang “Hello, Love, Goodbye.” ‘Yun naman ang maganda sa mga tagahanga nina Kathryn at Daniel, kahit hindi sila ang magkapareha sa proyekto ay todo pa rin ang kanilang suporta, na dapat lang tularan ng ibang mga tagahanga ng loveteams.

Panalo ang ganu’ng klase ng suporta. Katangi-tangi ang mga tagasuporta nina Kathryn at Daniel. Du’n natin maihihiwalay ang mga tunay na nagmamahal sa kanilang mga idolo sa basta tumitili lang at nag-iingay.

Read more...