Pinoy seaman nagpadala ng $2.14B remittance

UMABOT sa $2.14 bilyon ang ipinadalang remittance ng mga Pinoy seaman sa unang apat na buwan ng taon.

Mas mataas ito ng $210 milyon (10.7 porsyento), kumpara sa $1.93 bilyon na naipadala sa unang apat na buwan ng 2018, ayon kay ACTS-OFW Coalition of Organizations.

“Fund transfers from sea-based Filipino workers abroad are actually rising at a rate five times faster than remittances coming from those based on land,” ani ACTS-OFW chairman Aniceto Bertiz III.

Nangunguna sa pinanggalingan ng remittance ng sea-based OFW ang Estados Unidos ($770.1 milyon), Singapore ($214.4 milyon), Germany ($186.6 milyon), Japan ($184.3 milyon), United Kingdom ($105.9 milyon), the Netherlands ($96.69 milyon), Hong Kong ($93.7 milyon), Panama ($58.7 milyon), Cyprus ($55.9 milyon) at Norway ($39.9 milyon).

Upang magtuloy-tuloy umano ang paglago ng remittance ng mga seaman, sinabi ni Bertiz na dapat tutukan ng Commission on Higher Education ang pagpasok ng mga high school graduates sa Bachelor of Science in Marine Transportation o Bachelor of Science in Marine Engineering programs.

Ipinanukala pa ni Bertiz ang pagbibigay ng full scholarship sa mga papasok sa mga kursong ito upang maka-enganyo ang CHED.

Maaari rin umanong mag-alok na ng kursong ito ang mga state universities and colleges kung saan walang binabayarang matrikula ang mga estudyante.

Noong 2018, umabot sa $6.14 bilyon ang remittance ng mga Filipino seafarers na idinaan nila sa bangko. Noong 2017 ay nagkakahalaga ito ng $5.87 bilyon.

Read more...