MATAPOS matalo sa nakaraang eleksyon, balik-showbiz na si Richard Yap. Siya ang bagong aabangan sa Book 3 ng afternoon series na Kadenang Ginto.
Si Richard ang bagong magiging leading man ni Beauty Gonzales (playing Romina) sa serye bilang si Leon.
Sa ginanap na mediacon para sa Book 3 ng Kadenang Ginto, naitanong kay Richard ang chika na may plano na sana siyang lumipat sa GMA 7 after the midterm elections.
Ito ang diretsong sagot ni Richard, “Tsismis lang ‘yun. Actually, I was doing something else, alam n’yo naman ‘yun, nag-leave muna ako sa showbiz. So, wala talaga akong iniisip na mag-transfer, wala.
“I did have plans actually when in-offer ito sa akin, I was just planning to take a vacation, leave pa until August.
“So, this was a very welcome offer. I’m very thankful na kinuha uli ako ng ABS-CBN na Dreamscape. Of course, my mother unit, si Sir Deo,” chika pa ni Richard na ang tinutukoy ay si Deo Endrinal, ang head ng Dreamscape Entertainment na siyang nasa likod ng Kadenang Ginto.
“And, of course, I’m really thankful to be part of Kadenang Ginto. Because this is just an awesome show na ang daming nanonood and, of course, kung may peg si Romina na gusto niyang maging isang Dimples (Romana, na gumaganap namang Daniela), di ba?
“I mean, she wanted to be like her as an artist. Sa akin naman, it’s honor naman to be part of I’m following the footsteps of Albert Martinez also, kung saan siya nandun rin ako. Malaking karangalan para sa akin,” paliwanag pa ni Ser Chief.
Ayon naman sa Dreamscape PR na si Eric John Salut na siya ring nag-host sa presscon ng KG, hindi nawawalan ng offer si Richard. Aniya, “The offer has been there. Hindi nawala. Siya lang talaga ang tumatanggi.
“Walang lipat-lipat. Walang nakarating sa aking ganyan. Tumayming naman na puwede na niyang gawin ang Kadena. Nandiyan ang offers, hindi nawawala. In fairness naman kay Richard.”
Hindi naman inasahan ni Richard na magkakaroon agad siya ng trabaho after niyang tumakbong mayor sa Cebu, “Actually, nabigla nga ako when I came back from Cebu. In a week’s time may offer na pumasok dito sa Kadenang Ginto. Nabigla nga ako.
“I wanted to have a vacation first until August. Pero hindi na nangyari yun. Hindi ko ma-resist yung lure of gold,” aniya pa.
Paano niya ilalarawan ang role niya sa Kadenang Ginto? “Ibang-ibang si Leon dito, hindi siya mayaman. Usually, mayaman yung roles ko, e. Eto, hindi ako mayaman. Mag-umpisa ako from the bottom. Magtutulungan kami ni Romina dito, tutulungan ko siya. So, may ibang klase yung character ko. I can’t tell you what it is all about. You have to watch it, to know.”
At siyempre, medyo may pressure rin sa kanya ang pagpasok sa serye dahil nga napakataas ng rating nito, “Dahil alam ko it’s a very successful show already as of now. So, I have to bring something to the table. I’m sure hindi lang naman ako lang ang gustong panoorin, sila pa rin naman dalawa.
“Of course, I will do my share. Pero as of now, nakakatuwa lang kasi ang dami nang nagti-text, nagtu-tweet na sa akin they’re going to reconnect their TFC kasi pumasok ako, magsu-subscribe na daw sila uli. Marami from out of the country who are going to start watching TFC again,” pahayag pa ni Richard.
Napapanood pa rin ang Kadenang Ginto tuwing hapon sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.