KAPAG nasisilip namin ang malalakas na halakhak ni Wilie Revillame sa kanyang matagumpay na game show na Wowowin ay naeengganyo kaming makihalakhak sa kanya.
Aliw na aliw kasi si Willie sa kanyang co-host na si Hipon Girl, ang dating kalahok lang sa Wowowin na si Herlene Budol, kayang-kaya nitong pahalakhakin si Willie.
Ang komedyante-TV host pa namang ito, napakababaw ng kanyang tawa para sa mga taong natural na natural ang sense of humor, tulad ni Hipon Girl.
Minsan ay tinanong niya si Hipon Girl, “O, kumusta naman ang buhay ng pamilya n’yo ngayon? Masaya ba naman sila sa mga nangyayari sa career mo?”
Walang kagatul-gatol na sagot ni Hipon Girl, “Oo naman, kuya! Ayun, sa squammy (iskuwater) pa rin kami nakatira, pero masaya kami! Kung dati, e, pakilo-kilo lang kami kung bumili ng bigas, ngayon, e, isang sako na!”
Aysus! Ang paghalakhak ni Willie, umaabot yata sa kabilang kalye sa lakas, ‘yun talaga ang hina ng TV host!
Aliw na aliw siya sa mga taong kung makapagsalita ay sobrang natural, walang pagpapanggap, tulad ni Herlene Budol.
Sana nga ay magtagal sa show si Hipon Girl, tuwang-tuwa rin kasi ang mga kababayan natin sa napakanatural nitong pagkokomedya, napaka-effortless.
Ganyan ang mga gustong tinutulungan ni Wilie Revillame, ang mga mas nangangailangan sa buhay, pero nagpapakatotoo.