BUKAS ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa usapin ng panukalang batas na nagtatakda sa mga employer sa pribadong sektor na magbigay ng 14th month pay sa kanilang mga
empleyado.
Ngunit kinakailangang maibalanse ang interes ng labor at management, maging ang posibleng epekto nito sa economic stability ng bansa.
Suportado ni Labor Secretary Bello ang anumang hakbangin na makapagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa at kanilang pamilya.
Pero kailangang matiyak na hindi ito
magreresulta sa kawalan ng balanse sa panga-ngailangan ng labor at sa kapasidad ng employer.
Ang nasabing panukalang batas ay kailangang mapag-aralang mabuti at dapat na dumaan sa tripartite assessment upang mabatid ang pagiging akma nito sa economic situation ng bansa.
Kailangan din na isaalang-alang ang kapasidad ng mga employer, kung saan malaking bahagi ng ekonomiya ng Pilipinas ay nakadepende sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Dapat isaalang-alang na nasa 90 porsyento ng mga negosyo sa bansa ay mga MSMEs, kaya naman dapat isaisip ang kapasidad ng mga employer na pasanin ang karagdagang gastos.
Hindi rin dapat mabigyan ng false hope ang mga manggagawa na maaaring magresulta sa industrial controversy.
Ang Senate Bill No. 10, o mas kilala bilang “An Act Requiring Employers in the Private Sector to Pay 14th Month Pay” ay nire-file ni Senate President Vicente Sotto III at pending pa sa Senado mula noong Hulyo 2016.
Sa ilalim ng panukala, “ang mga rank-and-file na manggagawa sa kabila ng kanilang estado sa trabaho, designation, at pamamaraan ng pagpapasuweldo, at nakapagtrabaho ng kahit isang buwan pa lamang” ay dapat na makatanggap ng 14th month pay.
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.
MOST READ
LATEST STORIES