Marlins handa na sa MPBL debut

DALAWANG taon magmula nang itatag ni Pinoy boxing champion Manny Pacquiao noong 2017, ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na nagsimula sa 10 koponan ay lumobo na sa 31 squads sa pagsabak ng SOCCSKSARGEN Marlins sa Lakan Cup.
Ang Marlins, na suportado ng bago nitong sponsor na Armor On, ay sasagupain ang Muntinlupa Cagers sa kanilang unang laro ngayong Hulyo 12 sa Caloocan Sports Complex.
“Seryoso kaming talunin sila,” sabi ni assistant coach Manuel Torralba sa ginanap na 29th Usapang Sports forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Maynila nitong Huwebes patungkol sa Marlins na hangad daigin ang Cagers na naghahanap pa rin ng unang panalo sa South Division.
Ang SOCCSKSARGEN ang naging ikalimang Mindanao-based club matapos ang Basilan Steel, General Santos Warriors, Davao Occidental Tigers at Zamboanga Family’s Brand Sardines.
Sinabi pa ni Torralba na naging tuluy-tuloy lang ang kanilang pag-eensayo matapos magkaproblema sa kanilang naunang sponsor.
At hindi tulad ng ibang koponan na may mga masasabing superstar players, sinabi ni Torralba na nagawa nilang balanse ang kabuuan ng kanilang lineup sa Marlins.
“It’s a balanced team. Lahat go-to-guy,” ani Torralba.
Sinubukan naman ng Marlins na kumuha ng mga PBA player subalit pumirma ng contract extension si Gabby Espinas sa Meralco Bolts habang si Dylan Ababou ay nagpapagaling pa mula sa tinamong injury.
Subalit masasandalan naman nila ang ex-pros na sina Norman Gonzales at Aby Santos pati na ang mga homegrown talents na sina Mico Estrellante, Excel Nocos, John Emman at Samigue Emman at ang dating PCU Dolphins player na si Ian Garrido para makapagbigay ng matinding laban sa kanilang makakatunggali.
Magsisilbi rin itong tsansa para sa halos lahat ng manlalaro ng Marlins na makabawi matapos na hindi makapasok sa roster ng ibang MPBL teams.
“Hindi naman makakarating ng MPBL ‘yan kung hindi competitive kaso ito ‘yung mga leftovers na nag-tryout sa ibang teams,” sabi ni conditioning coach Danny Florano. “But they will play hard. They will prove themselves.”
Nangako naman si Torralba na kahit kinukunsidera ang SOCCSKSARGEN bilang mga ‘underdog’ puwede rin silang maging ‘dark horse’.
“Rest assured we will be one of the competitive teams,” dagdag pa ni Torralba.

Read more...