Aga, Nadine, Arjo bibida sa remake ng Korean movie ‘Miracle in Cell No. 7’

ARJO ATAYDE

HABANG sinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa kami binabalikan ng handler ni Arjo Atayde sa Star Magic na si Ms. Lulu Romero kung ano ang role ng aktor sa pelikulang “Miracle in Cell No. 7.”

Ito ang Pinoy version ng nasabing Korean movie na ipinalabas noong 2013 at naging certified box-office matapos kumita ng $80.3 million. Ang Viva Films ang nag-release nito sa Pilipinas.

Bibida sa remake nito sina Aga Muhlach at Nadine Lustre kasama si Arjo na agad daw tinanggap ang proyekto nu’ng ialok sa kanya dahil gustung-gusto niya ang kuwento ng pelikula.

Kaya ang tanong namin at ng mga supporters ni Arjo ay kung ano ang role niya sa movie? “Naghihintay pa kami ng storycon kasi wala pang update ang Viva paano ba ang schedule (ng shooting), pero tanggap na ‘yan kasi umokey na si Arjo. Hindi ko pa nabasa ang script kasi kay Arjo namin ipinorward,” sagot sa amin ni Ms. Lulu.

Dagdag pa niya, “Sige kunin ko ‘yung description ng character niya, tawagan ko ang Viva kasi hindi pa kami umuupo sa storycon with everyone.”

Meron kaming DVD copy ng pelikula at napanood na namin ito nang ilang beses at ilang beses na rin kaming naiyak sa kuwento nito na tungkol sa amang nakulong sa kasalanang hindi naman niya ginawa.

May diperensiya kasi sa utak ang tatay na pinagbintangang sinaktan ang isang batang babae na aksidenteng nadulas sa kalye na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Nakita kasi ng tatay na ang bag na gustung-gusto ng anak ay suot din ng batang naaksidente. Sinundan niya ito at sa takot ng bata na may gawing masama sa kanya ang tatay ay nagtatakbo ito hanggang sa madulas at mamatay. At dahil mahirap at walang nagtanggol sa tatay kaya hinuli ito ng mga pulis hanggang sa malaman ng kanyang anak na nasa kulungan na siya. Gumawa ng paraan ang bata para makapasok at makasama muli ang ama sa tinatawag ngang “cell no. 7” sa tulong na rin ng kapwa inmates ng tatay.

Nasintensiyahan ng parusang kamatayan ang tatay at napunta naman sa bahay ampunan ang anak na nagsikap makapag-aral hanggang sa maging abogado. Dito na niya muling pabubuksan ang kaso ng kanyang ama para ipagtanggol ito at patunayang walang kasalanan.

Isa sa tumatak sa amin at sa iba pang nakapanood ng “Miracle in Cell No. 7” ay ang mga eksena sa korte na talaga namang nakakaantig ng puso. Kaya nga ang sabi namin, kung makapasok ito sa 2019 Metro Manila Film Fesival na siyang plano ng Viva Films at ididirek ni Nuel Naval ay tiyak na magiging hit ito dahil pampamilya ang kuwento.

Read more...