PUMANAW na ang grade 7 na estudyante matapos na barilin ng kanyang guardian sa loob ng kanyang paaralan sa Calamba City, Laguna, ayon sa pulisya.
Ganap na alas-4:09 ng hapon nang namatay si Mark Anthony Miranda, 15 sa isang ospital sa Los Baños dahil sa tinamong isang tama ng bala sa ulo at dalawang tama ng bala sa katawan, ayon kay Lt. Col. Jacinto Malinao Jr. Calamba City Police chief.
Nangyari ang pamamaril sa Castor Alviar National High School sa Brgy. Masili, ganap na alas-12:30 ng hapon.
Nasa loob ng silid-aralan si Miranda nang biglang pumasok ang salarin na si Renz Ivan Valderama at siya ay pagbabarilin, ayon kay Malinao.
“No empty shell nor slug was found at the crime scene, leading probers to believe that the assailant used a caliber-.38,” dagdag ni Malinao.
Nabatid na isang security guard si Valderama ang nagsisilbing “guardian” ni Miranda dahil nakakulong ang kanyang nanay dahil sa kasong droga.
“At itong suspek, dating ihinabla ng biktima for four counts of sexual abuse,” ayon pa kay Malinao.
“Ito pong suspect ay considered armed and dangerous dahil may baril siya at isa siyang security guard,” dagdag ni Malinao.