MALUBHANG nasugatan ang isang Grade 7 na estudyante matapos barilin sa loob ng kanyang paaralan sa Calamba City, Laguna, Huwebes ng tanghali.
Idineklarang “brain dead” si Mark Anthony Miranda, 15, sa isang ospital sa Los Baños matapos magtamo ng isang tama ng bala sa ulo at dalawang tama ng bala sa katawan, ayon kay Lt. Col. Jacinto Malinao Jr. Calamba City Police chief.
Nangyari ang insidente sa Castor Alviar National High School sa Brgy. Masili, ganap na alas-12:30 ng hapon.
Nasa loob ng silid-aralan si Miranda nang atakihin ng salarin, na nakilala ng mga testigo bilang si Renz Ivan Valderama, sabi ni Malinao.
“No empty shell nor slug was found at the crime scene, leading probers to believe that the assailant used a caliber-.38 revolver,” sabi ni Malinao.
Idinagdag ni Malinao na si Miranda lamang ang target ni Valderama, na nasa edad sa pagitan ng 30 at 40, na nagpapahiwatig na magkakilala ang dalawa.
Sinabi ni Malinao na pagkakaroon ng relasyon ang tinitingnang anggulo ng mga otoridad dahil nalaman nilang gay si Valderama.
“Di pa mapatunayan kung may relasyon talaga sila, pero yun ang lumulutang sa ngayon,” sabi ni Malinao.
Agad namang tumakas si Valderama matapos ang krimen.