Isko sinuhulan ng P5M kada araw para sa mga street vendor


SINAMPOLAN agad ni Mayor Isko Moreno ang mga nagtitinda sa kahabaan ng Recto Avenue sa Divisoria. Hindi bangketa lang ang sinasakop ng mga ito, pati ang kalye ay inaangkin na rin nila, kaya napakahirap maglakad sa kalye.

Sa ikalawang araw pa lang niya bilang mayor ng lunsod ng Maynila ay ‘yun na agad ang naging prayoridad ng aktor-pulitiko. Kumilos agad ang kanyang mga tauhan para linisin ang lugar na pinamumugaran ng mga nagtitinda sa kalye.

Ayon kay Mayor Isko ay may nagparating daw sa kanya ng mensahe na payag namang magbayad nang limang milyong piso araw-araw ang mga pinakapinuno ng mga tindero at tindera, pero tinawanan lang niya ang alok, ang pagiging kumportable ng mga motorista at mananakay ang kanyang pinahahalagahan.

Dumadaan kami sa lugar na ‘yun kapag nagpupunta kami sa Divisoria, totoong-totoo na kailangang mabagal lang ang takbo ng sasakyan sa dakong ‘yun, dahil siguradong maraming masasagi kapag nagmabilis ang motorista.

Sana nga ay huwag nang magsibalik pa ang mga kababayan nating naghahanapbuhay sa gilid ng mga kalyeng ginawa para lakaran at tawiran at hindi para gawing tindahan.

At sana rin ay hindi ningas-cogon lang ang ginawang aksiyon ni Mayor Isko, kailangang panindigan niya ang paglilinis sa mga kalye ng pinamumunuan niyang lunsod, para mas marami siyang mapagserbisyuhan.

May mga umaalma sa paglilinis ng kalye, galing din daw naman sa hirap ang mayor ng Maynila, kaya dapat ay nauunawaan niya na ‘yun ang kabuhayan ng mga pinaaalis niyang negosyante.

Read more...