PATINDI na nang patindi ang mga kaganapan gabi-gabi sa pagpapatuloy ng teleserye ng totoong buhay sa ABS-CBN, ang Pinoy Big Brother Otso.
Tuluy-tuloy pa rin ang mga nakakaloka at nakakawindang na challenge ni Big Brother sa mga natitirang housemates sa Bahay ni Kuya, para makapasok sa Big Four ng PBB Otso Batch 4.
Last week, na-evict na sina housemates Sky Quizon at Gino Roque dahil sila ang nangulelat sa huling task ni Kuya. Ang natira na lang sa loob ng Bahay ay sina Wealand Ferrer, Argel Saycon, Akie Poblete, Franki Russell, Diana Mackie at Kiara Takahashi.
Nauna rito, binigyan ng two-part Big Jump challenge ni Big Brother ang mga housemates kung saan nagwagi nga si Akie. At dahil dito, ang tinaguriang Sayaw Signore ng Italy ang first housemate to join the Big Four of Batch 4.
“Sobrang saya ko po talaga. Sumisigaw na ko. Hindi ako makapaniwala na natapos ko na yung unang bahagi. Sabi ko yung pangalawa, kayang-kaya ko na ‘to kasi yun nga, yung pagbuhat lang ng pabigat,” sey ni Akie kay Big Brother sa loob ng confession room.
Nitong nakaraang episode naman, sa panibagong Big Jump Challenge, nanguna naman sa labanan si Kiara. Siya ang nakakuha ng pinakamalapit na numero sa total number of pebbles na ipinabilang sa kanila ni Kuya.
In fairness, nakakaloka naman talaga ang ipinagawa ni Big Brother sa housemates. Imagine, pinabilang lang naman sa kanila ang 38,819 pebbles with matching twists and turns.
Habang nagbibilang kasi sila ay kung anu-anong panggulo at panglito ang ginagawa ni Big Brother kaya ang iba ay talagang nag-uulit sa pagbibilang. Bukod dito, nagpadala pa ng extra box of pebbles si Kuya para idagdag sa binibilang ng mga housemates.
Sa ending, si Kiara ang nagwagi sa challenge. Ang total na bilang niya ay 38,818 (isa lang ang kulang sa totoong bilang ng pebbles). Sumunod sa kanya Diana with 38,826; Argel (38,808); Wealand (38,840) at kulelat naman si Franki (38,100).
Sa mga susunod na episodes, tutukan ang mas marami pang buwis-buhay at buwis-utak na mga challenge at task ni Kuya. Sino nga kaya ang susunod na magpapaalam sa PBB house at sinu-sino nga ba ang tatlong kukumpleto sa Big Four ng Batch 4.
Napapanood pa rin ang PBB Otso gabi-gabi sa Primetime Bida ng ABS-CBN after Sino Ang May Sala?. Bukod dito, abangan din ang iba pang mga kaganapan sa PBB Otso sa Kapamilya Gold.
Samantala, marami naman ang nalungkot nang magpaalam na sa PBB Otso ang ka-loveteam ni Kiara sa loob ng Bahay na si Gino. In fairness, maraming pinakilig ang dalawa nang magkaaminan na sila sa kanilang feelings.
Ipinalabas kamakailan ang dinner date na pinaghirapan ni Gino para sa kanyang prinsesa na si Kiara. Ang pinaka-highlight ng dinner ay nang tanggapin ni Kiara ang necklace na regalo ni Gino.
Meaning, gusto rin ng dalaga ang binata at nakahanda silang maghintay pareho para sa tamang panahon ng muli nilang pagkikita. Siguradong ngayon pa lang ay excited na ang kanilang fans para sa kanilang reunion.