Spotlight sa PAGCOR, AFAD

NAPAKALAKING ayuda mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nakuha ng Philippine Sports Commission (PSC) upang tiyakin na hindi tayo mapapahiya sa pag-host natin sa 2019 Southeast Asian Games.
Sa pangunguna ni PAGCOR chairman at CEO Andrea Domingo, president at chief operating officer Alfredo Lim at mga director na sina Reynaldo Concordia and Gabriel Claudio ay tumataginting na P842.5 milyon ang halaga ng mainit-init pang tseke na ibinigay ng ahensya sa PSC na pinangungunahan ni chairman Butch Ramirez na kasamang dumating sa opisina ng Pagcor si executive director Merlita Ibay.
Gagamitin ng PSC ang pondo upang ayusin ang ilan sa mga lugar na maaaring pagdarausan ng mga laro sa SEA Games.
Kabilang sa aayusin at pagagandahin upang hindi tayo maging kahiya-hiya sa ating mga kapitbahay sa Southeast Asia ang Philsports Complex Multipurpose Arena, Rizal Memorial Track and Football Stadium at ang Ninoy Aquino Stadium.
“The aid given to us by PAGCOR is priceless. The rehabilitation of the facilities for the SEA Games is an important contributuion to Philippine sports as it will help improve the performance of our athletes and change the picture of local athletics. Napakalaking bagay nito para sa amin,” sabi ni Ramirez.
Hiwalay pa ito sa buwanang binibigay ng state-run gaming firm sa PSC na nagsusulong ng grassroots sports development program ng bansa. Pinopondohan din ng PAGCOR ang Sports Benefits and Incentives Act na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga atleta at coach na nagbibigay karangalan sa bansa sa mga internasyonal na kumpetisyon.
Kung ayuda ang pag-uusapan ay napakalaking papel ang ginagampaman ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines, Inc. (AFAD) na nagpahayag ng kahandaang tumulong sa mga pambansang shooters at mapaigting pa ang kanilang husay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga paligsahan tulad ng AFAD Cup na gagawin sa Lipa City sa Agosto 15-18.
Ang AFAD Cup ay tuneup at qualifier para sa mga nais lumahok sa 2019 IPSC Australasia Handgun Championship (Nobyembre 10-17) at ng 2019 IPSC Rifle World Shoot II na aarangkada sa Karlskoga, Sweden sa Agosto.
“AFAD Inc. has always been supportive of talented Filipino athletes who bring recognition and honor to the country in all international shooting competitions,” wika ni Topacio. ‘‘AFAD wants to promote shooting so more Filipinos will take up the sport for recreational and competitive activities. “Filipinos stand a big chance to excel in various disciplines of shooting sports.”
Pangulo ng AFAD si Alaric Topacio, at bise-pangulo si Edwin Año. Humarap sina Topacio at Año sa mga piling mamamahayag kasama si board member Kalki Jimenez, AFAD Cup Director Pam Comia at Committee head Jessica Lee.
Tinatag ang AFAD noong 1989 at mapunyagi nitong pinaglalaban ang ‘‘responsible gun ownership’ at ang interes ng defense at security industry.
Bago ang AFAD Cup, ay idinaos ng asosayon ang Defense & Ammunition Sporting Arms Show (DSAS) noong Hulyo 11-15 sa Megatrade Hall sa SM Megamall.
At alam niyo ba na dumarami na raw ang bilang ng mga kababaihan na na-eengganyo sa pagbabaril para sa isports at proteksyon.
“Gender is not a prerequisite for having the capability to protect yourself,” diin ni Topacio.

Read more...