ISA ang Queen of All Media na si Kris Aquino sa mga magiging ninang sa kasal nina Angel Locsin at Neil Arce.
Ito ang kinumpirma nina Kris at Angel sa pamamagitan ng palitan nila ng mensahe sa Instagram matapos ngang mag-viral ang mga wedding proposal pictures ng aktres at ni Neil.
Talagang pinag-usapan sa social media ang ginawang pagpo-propose ni Neil sa Kapamilya actress at hindi lang ang mga followers ng magdyowa ang natuwa sa kanilang engagement kundi pati na rin ang mga celebrities na malapit sa kanila.
Isa na rito ang mommy nina Joshua at Bimby na si Kris na diretsong tinanong si Angel sa comments section ng isang IG photo nila ni Neil ng, “Ninang pa rin ba ‘ko?” Agad-agad din namang nag-reply si Angel ng, “Yes please ate!
Please be our ninang!”
In fairness, noon pa sinasabi ni Kris na game na game siyang maging isa sa principal sponsor sa wedding nina Angel at Neil. Botong-boto raw kasi siya sa movie producer para kay Angel.
“I already love Neil Arce. Handang-handa na ang gown kong pang ninang,” ang natatandaan pa naming sey ni Kris about Angel’s future husband.
Sa pamamagitan naman ng kanyang Instagram Stories, sinabi ng Kapamilya actress na wala pa silang napagkakasunduang ni Neil kung kailan at saan gaganapin ang kanilang wedding. Hindi pa rin sila maka-decide kung sino ang kukunin nilang wedding planner para sa kanilang “big day.”