HINDI lahat ng pananakit ng likod ay dahil sa katandaan, minsan sintomas ito ng ankylosing spondylitis.
Isa itong inflammatory disease na kilala bilang “back attack”. Parang pinagdidikit nito ang mga vertebrae sa spine kaya nahihirapan itong bumaluktot at nagiging kuba ang likod. Kung naaapektuhan nito ang tadyang ay maaaring magresulta sa hirap sa paghinga.
Sinabi ni Christine Fajardo, Asia cluster patient advocacy head ng Novartis Healthcare Philippines, na konti lamang ang nakakaalam sa sakit na ankylosing spondylitis.
Ayon kay Dr. Evan Glenn Vista, board member ng Philippine Rheumatology Association, kung hindi maagapan ay maaaring maging permanente ang deformity ng isang tao dahil sa sakit na ito.
Inamin naman ni Vista na mahirap matukoy agad kung ang isang tao ay mayroong back attack dahil ang pananakit ng likod ay maraming kadahilanan.
Sinabi ni Vista na sa mundo ay wala pang 1 porsyento ang pananakit ng likod na iniuugnay sa spondyloarthritis, ang umbrella term sa inflammatory diseases sa joints at entheses o ang dugtu-ngan ng ligaments at tendons sa buto.
Paliwanag ni Vista ang pananakit ng likod dahil sa ankylosing spondylitis ay kadalasang may kaakibat na lagnat at pagbaba ng timbang ng 5-10 porsyento ng tatlong buwan.
Kung nagigising umano dahil sa pananakit ng likod, at nahihirapang pigilan ang pag-ihi o pagdumi, at nanghihina ang kalamnan, ipinayo ni Vista ang pagpapasuri.
Tumataas din ang tyansa na magkaroon ng heart disease at stroke ang isang 20-39 taong gulang na mayroong ankylosing spondylitis.
Wala pang gamot sa ankylosing spondylitis subalit maaaring mapabagal ang paglala at sintomas nito.
Ayon kay Vista karaniwang nalalaman ng isang tao na mayroon siyang ankylosing spondylitis isang dekada mula sa paglabas ng unang sintomas.
Mas madalas din umanong nakakaapekto ang sakit na ito sa mga lalaki.
Kung mapapabayaan, gagawa ng bagong buto ang katawan upang gamutin ang ankylosing spondylitis.
Ang buto na ito ang magdurugtong sa dalawang vertebrae kaya mahihirapan nang maibaluktot ang spine.
Hindi rin batid ang sanhi ng ankylosing spondylitis at isa sa tini-tignang posibilidad ng pinagmumulan nito ang genes.