Joshua sa tsismis kina Julia at Gerald: Parang hindi naman nila magagawa sa akin ‘yun

JULIA BARRETTO AT JOSHUA GARCIA

NAGKAROON na ng kasagutan ang matagal nang katanungan ng publiko tungkol sa relasyon nina Joshua Garcia at Julia Barretto – hiwalay na nga ba sila o hindi pa?

Sa panayam ng TV Patrol sa tambalang JoshLia ay inamin ng dalawa na “back to basic” sila, ‘yung dating relasyon nila bilang best friends.

Pero itinanggi ng aktor na hiwalay na sila ni Julia, “Hindi totoo ‘yun. May pinagdaanan lang kami. Pero okay kami ngayon. Masaya kami ngayon, and napagdesisyunan namin na for now (sabay tingin kay Julia), babalik muna kami sa pinagsimulan namin which is pagiging best friends.”

Kung mapapansin sa tinginan nina Joshua at Julia ay tila nagkakapaan sila kung ano ang sasabihin nila.

Sinang-ayunan ng aktres ang sinabi ng aktor, “Right now, we’re the bestest of friends. We have managed to remain the bestest of friends.”

Sa ilang beses naming nakasama at nakausap ang JoshLia ay alam namin kung gaano sila kasaya noon at makikita iyon sa mga mata nila, pero this time, malungkot ang mga mata ni Julia at kita mo ang pag-aalinlangan habang si Joshua naman ay halata mong may itinatago.

Dumalo ang dalawa sa ginanap na ToyCon 2019 sa SMX Mall of Asia Arena, Pasay City nitong Biyernes para sa promo ng pelikula nilang “Block Z” kasama ang direktor nilang si Mikhail Red.

Nabanggit ang pangalan ni Gerald Anderson na posibleng dahilan ng hiwalayan ng JoshLia pero agad itong itinanggi ng dalawa.

Nagkasama sina Julia at Gerald sa pelikulang “Between Maybes” na kinunan sa Japan. Say ni Joshua, “Parang di naman totoo yun. Parang di naman magagawa sa akin ni Julia yun, tsaka ni Gerald, kuya ko na yun, e.”

Ayaw nang sagutin ng aktor kung ano ang dahilan ng hiwalayan nila, “Bigay n’yo na lang sa amin yun. Kumbaga, para na lang sa aming dalawa yun kung ano ‘yung nangyari.”

“I think, like a normal couple, you’ll go through phases at some seasons in that relationship. But I’m glad kami ni Josh there was constant communication,” say naman ni Julia.

Read more...