P15M marijuana bricks nasabat sa Kalinga

ARESTADO ang apat katao nang makuhaan ng aabot sa P15 milyon halaga ng marijuana bricks sa buy-bust operation sa Tabuk City, Kalinga, Biyernes ng hapon.

Nadakip ang lider ng grupo na si Cyrus Marngo, 35; at mga kasabwat niyang sina Deo Agod, 23; Joey Marngo, 28; at Ganipis Baggas, 34, pawang mga residente ng Tinglayan, ayon sa ulat ng PNP Drug Enforcement Group (DEG).

Isinagawa ng mga tauhan ng DEG, Kalinga provincial police, Tabuk police, at Philippine Drug Enforcement Agency ang operasyon dakong ala-1:30, sa Purok 4, Brgy. Bulanao.

Nasamsam sa mga suspek ang bricks at pinatuyong dahon ng marijuana na aabot sa 100 kilo ang bigat, ang pitong bungkos ng “boodle money” at P1,000 cash na ginamit sa operasyon, at isang kalibre-.45 pistola na may pitong bala.

Nakumpiska din sa mga suspek ang pitong handheld radio, apat na cellphone, KIA Besta van, isang motorsiklo, athletic shirt ng pulisya, at mga personal na kagamitan.

Ayon kay Brig. Gen. Albert Ignatius Ferro, direktor ng PNP-DEG, ang mga suspek ay bahagi ng isang sindikato ng droga na nago-operate sa Metro Manila, Kalinga, at mga kalapit na lalawigan.

Dati nang nadakip si Cyrus Marngo sa Quezon City nang makuhaan ng 40 kilo ng marijuana na ipapadala sana sa Switzerland, pero pinalaya noong 2017 matapos na ma-dismiss ang kaso laban sa kanya, ani Ferro.

Pinaniniwalaan na ang grupo ni Marngo ay may kakayanan na ring gumawa ng marijuana oil na inihahahalo sa “vape,” lalo na ng mga nakabababatang consumer. 

Read more...