“HUY, wag namang ganyan. ‘Di magandang sinasabi ‘yan. Kakahiya yan.”
Ito ang mensahe sa amin ni Sylvia Sanchez sa sinulat namin dito sa BANDERA nu’ng isang araw na kinakarir na niya ang pagiging singer at vlogger.
Balik-tanong namin kung ano ang nakakahiya? “Nakakahiya ‘yan singer singer na ‘yan, vlog walang problema, pagiging singer ‘wag na nakakahiya,” sagot ng aktres.
Hirit namin, talaga namang kinakarir na niya pagkanta dahil nag-recording pa siya at nabanggit niya sa kanyang vlog episode 7 na may titulong “Dancing Queen” na ang singer-actor na si Nonie Buencamino ang magtuturo sa kanya.
“Biruan lang kasi namin ‘yun. Kasi nga di ba, pag may opening ang Beautederm, ako ‘yung kumakanta, nagso-show kaya kailangan may nakahanda akong kanta.
“E, ‘tong si Nonie sabi niya tuturuan daw niya ako. Umoo lang ako pero hindi ko sineryoso, e, tapos naalala niya, sabi niya, ‘ano na, kelan ka magre-recording?’ Kaya itinuloy ko na, hayun, nu’ng in-schedule na sa recording nagulat ako kasi kapatid pala niya si Nonong Buencamino (film score composer) at nandoon na sa studio pagdating ko.
“Siya pala ang musical arranger ko at si Nonie magtuturo tapos may back-up singers akong dalawa na taga-Showtime.
“Kaya gulat na gulat ako kasi sabi ko, hindi naman ako singer, laru-laro lang naman ‘yang kanta-kanta ko. Sabi nila seryosohin ko na nga raw,” kuwento ni Ibyang.
At dahil nasimulan na niyang mag-recording at mismong magkapatid na Buencamino pa ang nagtulak sa kanya para seryosohin ang pagkanta ay nahiya siyang hindi ito bigyan ng pansin.
“Hiyang-hiya talaga ako kasi nu’ng dumating ako, kumakain pa ako tapos kakanta na. Sabi ni Nonie, hindi raw puwedeng kumakain o kumain bago kumanta, bawal daw ‘yun. Sabi ko, kaya ko ‘yan, nagugutom na ako, kakanta ako,” aniya pa.
Biniro ulit namin si Sylvia, “Hindi ka seryoso, ang bibigat ng arranger mo, kapita-pitagang Nonong Buencamino na isang award winner at si Nonie singer sa teatro.”
“Kaya nga di ba, tinuloy ko na, nahiya ako. Tapos may back-up singers pa slang kinuha,” sabi pa sa amin.
Lima ang awiting ini-record ni Sylvia na mapapakinggan ito sa kanyang mall shows at opening ng ineendorso niyang Beautederm.
Biro ulit namin na kailangang paghusayan niya ang pagkanta dahil baka isang araw sabihan na lang siya na siya ang kakanta ng soundtrack ng teleseryeng siya ang bida.
“Ewan ko sa ‘yo Reggee Bonoan, siraulo ka. Hindi mangyayari ‘yun,” tumatawang sabi niya sa amin.
Ang komento ng magkapatid na Buencamino ay may boses daw ang aktres at kailangang magpraktis lang para masanay.
Oo nga, may boses naman talaga si Ibyang, pati nga ang mga anak niya ay magaganda rin ang timbre ng boses simula kina Arjo at Ria, pati sina Gela at Xavi.
“Oo, lahat ng anak ko may boses, may mga boses din mga kapatid ko at nanay ko, kumakanta sila. Di ba nga pinsan ko si Juris (Fernandez),” sabi pa niya sa amin.
May pagmamanahan naman pala ang mga anak dahil pati rin naman ang asawa ni Ibyang na si Art Atayde ay may boses din. Taray! Multi-talented naman pala ang Atayde siblings.