MAS kapanapanabik na ika-43 edisyon ng National Milo Marathon ang naghihintay sa mga running enthusiast ngayong season sa pagbubukas nito sa Hulyo 28.
Naghahanda sa pag-host ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games ngayong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, ang tema ng Milo Marathon ay “One Team, One Nation. Go Philippines!” bilang pagsuporta nito sa mga Pinoy athletes na sasabak sa prestihiyosong biennial meet.
Inaasahan na aabot sa 150,000 runners mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang lalahok ngayong taon.
Di tulad ng mga nakaraang edisyon magbibigay daan ang Milo Marathon sa gaganaping 30th SEA Games sa pagsasagawa nito ng National Finals sa Enero 19, 2020 sa Tarlac City imbes na sa Disyembre.
Ang unang leg ng Milo Marathon na katuwang ang Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) ay ang Metro Manila elimination race sa Hulyo 28 na susundan ng mga karera sa Subic Bay Freeport Zone (Agosto 4), Lucena (Setyembre 15), Batangas (Setyembre 22), Cebu (Setyembre 29), Iloilo (Oktubre 6), General Santos (Oktubre13), Davao (Oktubre 20) at Cagayan de Oro (Nobyembre 17).
Ang magiging opening leg sana na gagawin sa Urdaneta City, Pangasinan sa Hulyo 14 ay ipinagpaliban at inaayos pa ng Milo ang bagong race date at venue katuwang ang lokal na pamahalaan at mga race organizer.
Malaking tulong naman ang iskedyul ng Milo Marathon para kina Milo Marathon queen Mary Joy Tabal at Jerald Zabala na sasabak sa SEA Games dahil makakapagpahinga sila mula sa puspusang pag-eensayo.
Ang pagsabak nina Tabal at Zabala sa biennial tournament ay bahagi ng kasunduan na pinirmahan ng Milo at Patafa noong isang taon.
Si Zabala, na pumangalawa sa National Finals noong isang taon, ay pinalitan si defending champion Rafael Poliquit na namatay noong Abril mula sa kumplikasyon hatid ng subdural empyema.
Ito rin ang unang pagkakataon na ang Milo Marathon, na suportado rin ng Department of Education, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, ay mag-iimbita ng mga runner mula sa Indonesia matapos na ang leading energy drink brand ay magsagawa ng 5K at 10K races dito.
Ang mga Indonesian ay papayagan din lumahok sa mas mahabang distansiya na 21K at 42K basta pasok sila sa fit-to-run requirements ng Milo Marathon.