Anong kampo kaya ang nagpapasimuno sa pambubulabog kay Regine Velasquez? Nakakaawa kasi si Regine, parang wala na siyang nagagawang maganda sa mundo, palagi siyang inuupakan sa social media na pare-pareho lang naman ang mga sinasabi.
Mula nang lumipat sa ABS-CBN si Regine ay naging pagkain na niya sa maghapon ang mapaklang ampalaya. Tinututukan talaga ng mga bashers ang kanyang mga galaw. Konting bagay lang ay malaking isyu na agad para birahin nila nang walang humpay ang Asia’s Songbird.
May mga pagkakataon siyempreng nasasagad na rin ang pasensiya ng singer-actress, sumasagot na rin siya, kahit pa alam niya na mas magiging dahilan ‘yun nang walang humpay na bira sa kanya.
Pero kung aanalisahing mabuti ang sitwasyon ay positibo ‘yun para kay Regine. Isa lang ang ibig sbaihin nu’n, nasa gitna pa rin siya ng labanan, relevant pa rin siya.
Mas magiging masakit at masaklap para kay Regine kung halos maputol na ang mga ugat niya sa leeg sa pagkanta pero wala nang pumapansin sa kanya. ‘Yun ang pinakamalungkot na puwedeng mangyari sa isang artista.
Kailangan na lang sigurong mag-ipon pa ng pasensiya si Regine Velasquez, kakambal nu’n dapat ang pag-iingat sa kanyang mga pagsasalita, para walang balang maibabalik laban sa kanya ang mga taong hindi masaya sa kanyang tagumpay.
Mahirap din ang kalagayan ng kanyang mister, napakasakit para kay Ogie Alcasid ang mga tinatanggap niyang negatibong pagpuna, kaya paminsan-minsan ay iniaalok na lang ng singer-composer ang kanyang sarili para birahin para maisalba lang ang ina ng kanyang anak sa stress.