HANGGANG ngayon, kahit hindi na masyadong aktibo sa kanyang linya ang isang female personality, ay bumibida pa rin siya sa mga kuwentuhan kapag ang paksa ay tungkol sa pagkahilig sa mga libreng kung anik-anik.
Mapagharimunan kasi ang babaeng personalidad na ito, marunong siya sa buhay, kung puwedeng hindi na siya maglabas ng datung at hingin na lang ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya ay ganu’n ang gagawin niya.
Kuwento ng aming source, “Ang tawag sa kanya ng mga nakakaalam sa hilig niyang manghingi, e, Ms. Ex-deal. Napakahilig kasi niya sa mga libreng bagay, kahit ano na lang, hihingin niya para hindi na siya gumastos pa.
“Kahit nu’ng dalaga pa ang female personality na ito, e, ganu’n na siya. Magaling siyang makipag-usap sa mga businessmen. Maganda ang bokadura niya!
“Hindi na niya kailangang mag-shopping, hinihingi na lang niya ang mga kagamitang kailangan niya. Naloloka nga sa kanya ang staff ng isang negosyante dahil grabe siyang maghakot ng mga produkto!
“Hindi nga nila malaman kung itinitinda rin ba ng babaeng ‘yun ang mga products na nai-ex-deal niya dahil sa dami! ‘Yung isang trader nga, e, nagsarado yata ng store dahil sa kanya!
“Paano naman, parang bukid na dinaluyong ng mga insekto ang store niya kapag nagpupunta du’n ang female personality. Hakot kung hakot siya, wala siyang patawad!” unang chika ng aming impormante.
Lalong tumindi ang pagiging mapagharimunan ng female personality nu’ng mag-asawa na siya. Lahat-lahat ng galaw niya, kailangang libre lang, as in!
“Nakakaloka siya! Mula sa kasal nila ng mister niya, hanggang sa birthday nilang mag-asawa, hanggang sa manganak na siya, talagang umariba pa rin ang pagiging Ms. Ex-deal niya!
“Hindi ‘yun ma-take ng mga kaibigan niya, kulang ang mga kamay nila sa pagsaludo sa husay ng babaeng ‘yun sa pakikipagtransaksiyon pagdating sa mga needs ng family niya.
“Ibang klase siya, sobrang kuring ng babaeng ‘yun, kung puwede lang na kahit ano na lang, e, kunin niya sa paraang libre, e, ginawa na niya sigurado ‘yun!
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, inuulit ang name ng girl na itey, masyado bang mababaw ang clue?” pagtatapos ng aming source.