ARESTADO ang isang lalaki nang makuhaan ng P7.14 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa isang motel sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling-araw.
Nadakip si Jaymark Mercene, 18, may mga alyas na “Mac-Mac” at “Kapre,” residente ng Libertad, Brgy. 89, Zone 9, Pasay City, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office.
Isinagawa ng mga tauhan ng NCRPO Regional Drug Enforcement Unit, Caloocan City Police, at Philippine Drug Enforcement Agency ang operasyon sa isang silid ng Marsman Hotel, na nasa panulukan ng Rizal ave. at 2nd ave., Gracepark, dakong ala-1:30.
Umabot sa 1,050 gramo ng shabu na nakasilid sa tea bag ang nasamsam kay Mercene, ani NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Nakuha din sa suspek ang P1,000 cash at halagang P1.2 milyon pekeng pera na ginamit sa transaksyon.
Si Mercene ay isa umano sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ni Edgardo Mongado Co Jr. alyas “J.R. Co,” lider ng isang sindikatong sangkot sa bentahan ng droga sa Pasay, Makati, at mga kalapit na lalawigan gaya ng Rizal at Cavite, ani Eleazar.
“With the arrest of this trusted man of the leader, itutuloy-tuloy natin hanggang matumbok natin ‘yung mga members nila. Inaalam natin itong mga pinagdadalhan nila at may idea na rin tayo kung saan ang pinagkukuhanan nila,” aniya pa.