NAGBABAGO na nga ang panahon. Nagbabago na rin ang mga kababayan natin.
Kung dati-rati ay marami ang mga bansang natatakot magbigay ng tourist visa sa isang Pilipino, ngayon ay maluwag nang nagpapapasok ang mga bansang ito tulad ng pagbibigay ng visa free o di kaya ay mga landing visa na lamang at hindi na mahigpit na mga requirements para sa mga Pinoy travellers.
Kaya naman maituturing na malakas at may kapangyarihan na nga ang Philippine passport ngayon dahil sa labas-pasok na rin ang Pinoy sa maraming mga bansang hindi na nangangailangan ng visa.
Hindi rin kasi maipagkakaila na may mga panahong halos ayaw na talagang bigyan ang Pinoy ng visa o di kaya’y pagkahigpit-higpit at pahirapan ang paga-apply sa ilang mga bansa dahil nga sa masamang record at inaning tatak na nila, ang tinatawag na TNT (tago nang tago) at sa amin sa Bantay OCW, tawag namin diyan ay :takot na takot” siyempre dahil sa kakatago.
Pero iba na ngayon. Bukod sa ito na nga ang panahon na mahilig nang magbiyahe ang tao, madaling kumuha ng passport, madaling maghanap ng mga bansang mapupuntahan, mura ang plane tickets dahil maraming promo, kung kaya’t hindi na rin nila hinahangad na magtago sa isang bansa kahit pa sa palagay nila ay may pagkakataon sila na makakuha ng magandang trabaho at kikita ng malaking pera.
Natuto na nga ang Pinoy. Kung turista, turista lang talaga. Kung magtatrabaho, hahanap sila ng recruitment agency na pag-aaplayan at dadaan sa tamang proseso upang maayos na makapagtatrabaho ng walang alalahanin na ilegal ang kanilang pasok o pananatili sa bansang napili.
Tulad na lamang sa Taiwan, masayang ibinalita ni Chairman Angelito Banayo, resident representative ng MECO (Manila Economic Cultural Office) sa Taiwan, na extended na muli ang visa-free sa Taiwan para sa ating mga Pinoy.
At ang magandang balita? Ayon kay Banayo, walang nahuli ni isang Pinoy na nag-TNT sa Taiwan matapos maibigay ang pribilehiyong ito. Kaya muling makakapamasyal nang pabalik-balik ang ating mga kababayan sa bansang ito nang walang inaalalang visa. Pero pahabol ni Banayo, mas mabuti na kumuha ng travel insurance ang isang turista bago lumabas ng bansa para na rin sa kanilang proteksyon.
Napakalaking epekto rin ng social media sa buhay ng Pinoy. Dahil dito konektado na ang lahat. Real time pa nga! Walang delay. Mabilis na nababalitaan ang mga kaganapan sa iba’t-ibang panig ng mundo. Madaling nabubulgar ang anumang mga pang-aabuso na tinatamo ng Pinoy. Kaagad nilang nalalaman anuman ang mangyari sa kamag-anak na OFW. Kaya mabilis ding kakalat kung nag-TNT ang isang turista. Kaya huwag nang mag-TNT! Old school na ‘anya iyon!
Sumunod sa mga batas at panuntunan ng bansang pinupuntahan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com