DISMAYADO ang marami sa mga bagong halal na partylist representatives.
Feeling kasi nila naisahan sila ng mga partylist lawmaker na uupo ulit sa 18th Congress.
Ang iniisip ng ilan ay ginagamit lang sila, bakit? Kasi naglo-lobby daw ang mga beteranong partylist lawmaker para makakuha ng magagandang puwesto.
Ang Partylist Coalition Foundation Inc., ang samahan ng mga partylist lawmakers, ay ikalawang pinakamalaking bloc sa Kamara de Representantes kaya magiging mahalaga sila sa botohan ng speaker lalo na kung boboto sila as a bloc, 54 ang kanilang miyembro.
Ang sabi ng mga miron, gusto raw ni 1Pacman Rep. Michael Romero na maging House majority leader kaya daw tumaya ito kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Si Romero ay kasama ni Velasco nang mag-host ng dinner si Davao City Rep. Paolo Duterte sa Malacanang. Ang akala ng ilan ay itataas na ni Duterte ang kamay ni Velasco pero hindi ito nangyari at ang sinabi ng Pangulo ay may announcement ito sa Hunyo 28. Ewan ko lang kung speakership ang announcement na kayang tinutukoy, hindi kasi malinaw. At pwede rin naman na hindi ituloy ang announcement o kaya ang announcement ay walang ieendorso.
Si Romero ang pangulo ngayon ng PCFI na iniwan ng pinaslang na si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe. Siya ay nasa ikalawang termino bilang kongresista at pinakamayamang kongresista ng 17th Congress.
Nag-iisip din ang ilang mambabatas kung papaano haharapin sa debate sa plenaryo ni Romero ang mga beteranong kongresista gaya nina Mandaluyong Rep. Boyet Gonzales o Albay Rep. Edcel Lagman na kinikilala sa kanilang kaalaman sa rules ng Kamara.
Kung gusto daw talaga ni Romero maging majority leader dapat ay pag-aralan na niya ang Rules ng Kamara.
Magiging mahalaga pa naman ang 18th Congress para maipasa ang mga panukalang batas na kailangan ng Pangulo sa pagpapatakbo ng bansa sa huling tatlong taon nito sa Malacanang.
Ayaw ko naman tawaran ang kakayanan ni Rep. Romero, malay naman natin. Kung sa batang edad ay naging bilyonaryo siya ibig sabihin ay may galing din naman siyang itinatago.
Sakaling si Romero nga ang maging Majority Leader, first time na isang partylist congressman at hindi district congressman ang hahawak sa puwestong ito. Ibibigay nga ba sa kanya kung si Velasco ang magiging speaker?
Si Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy naman daw ay pumuposisyon para maging House Deputy Speaker na hawak ngayon ni AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin na miyembro ng 15th, 16th, 17th at 18th Congress.
Hinihirit naman umano na mapunta kay Garin ang chairmanship ng House committee on ways and means, ang komite na gumagawa ng mga batas kaugnay ng pagbubuwis ng gobyerno.
Bagong partylist reps nagagamit?
READ NEXT
The fruits of a good tree
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...