Winasak ni Enchong Dee at ng mahigit sa 1,800 kabataan ang isang Guinness world record na may konek sa pagsu-swimming.
Sa Instagram page ng Kapamilya actor, ibinandera niya na matagumpay nilang nasungkit ang Guinness world record para sa “most number of children being taught basic swimming skills and water safety in one day.”
Ito’y bilang bahagi na rin ng advocacy ni Enchong na #DrownfreePhilippines. Umiikot ang binata kasama ang kanyang grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa para magbigay ng libreng swimming lessons sa mga kabataan.
Nakipagtulungan ang Handog Palangoy ni Enchong sa Bert Lozada Swimming School para sa kanilang Guinness attempt na nilahukan nga ng mahigit 1,800 participants na ginanap sa Aqua Planet sa Clark, Pampanga.
“Today, we broke the Guinness world record for the most number of Children being taught basic swimming skills and water safety in one day,” caption ni Enchong sa kanyang IG post.
Noong nasa college ang aktor ay kinarir niya ang pagsu-swimming sa De La Salle University hanggang sa maging bahagi nga siya ng Philippine National Swimming Team at nakipag-compete sa swimming competitions sa loob at labas ng bansa kabilang na ang SEA Games at 2006 Asian Games.