Coco ibinuking si Manoy: Seryoso siyang tao, propesyonal…pero pilyo

EDDIE GARCIA AT COCO MARTIN

UNANG gabi pa lang ng lamay para sa yumaong showbiz icon na si Eddie Garcia ay dumagsa agad ang mga artistang dumalaw para makiramay.

Na-cremate na ang labi ni Manoy Eddie matapos itong bawian ng buhay nitong Huwebes. Halos dalawang linggong comatose ang aktor matapos maaksidente sa taping ng bago niyang teleserye.

Ang abo ng veteran actor-director ay kasalukuyang nasa Chapel 3 ng Heritage Memorial Park, sa Taguig City, para sa public viewing.

Una na nga sa listahan ng mga celebrities na nagtungo sa lamay ay ang Teleserye King na si Coco Martin na nakatrabaho ni Manoy nang halos tatlong taon sa Kapamilya series na FPJ’s Ang Probinsyano.

Ayon kay Coco, napakarami niyang magagandang alaala kasama si Manoy at marami rin siyang natutunan sa yumaong aktor lalo na nang magkasama sila sa Probinsyano.

Sa panayam kay Coco pagkatapos niyang magbigay-pugay kay Manoy, nagkuwento siya tungkol sa veteran actor, “Sabi ko nga, kami lagi magkasama sa lahat ng mga okasyon, e.

“Kapag may party, kami lagi magkatabi. Sabi ko nga, siya ‘yung drinking buddy ko kapag ano… (may party),” dagdag pa ni Coco.

Dagdag pa ng Kapamilya actor, “Si Tito Eddie, napaka-serious niya, napaka-professional, pero ano, pilyo. Kapag biniro mo ‘yan, hindi magpapahuli ‘yan, kahit bata ka pa.

“Sobrang malalim ang pag-iisip, kahit anong aspeto mo siya kausapin, talagang marami kang matututunan sa kanya,” chika pa ni Coco sa nasabing panayam.

Until now ay hindi pa rin makapaniwala ang aktor na wala na si Manoy, pero aniya ganu’n talaga ang buhay, kapag oras mo na, oras mo na.

“Sobrang mahal na mahal namin siya. Nagpapasalamat kami sa lahat ng naiambag niya sa industriyang ito, sa showbiz industry, sa lahat ng mga natutunan namin sa kanya. Hinding-hindi namin siya makakalimutan. Nag-iisa siya. Nag-iisa ang Eddie Garcia.”

“Nagpapasalamat nga ako, sabi ko, sa henerasyon ko naabutan ko pa siya. Nagpapasalamat ako sa suportang ibinigay niya sa akin at sa lahat ng taong natulungan niya, hindi lang bilang artista, kundi bilang direktor, at bilang isang tao,” dagdag pang papuri ni Coco sa nag-iisang Manoy ng Philippine showbiz.

Read more...