AFP suportado ang Descendants of the Sun ni Dingdong; Jasmine, Rocco pasok sa banga

DINGDONG DANTES, JASMINE CURTIS AT ROCCO NACINO

KUMPIRMADO nang kasama sina Jasmine Curtis at Rocco Nacino sa Pinoy version ng hit Korean series na Descendants of the Sun starring Dingdong Dantes.

Kasama ang tatlong Kapuso stars nang pumirma ng partnership agreement ang GMA Entertainment Group at Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon.

Base sa Instagram post ni @kapusoprgirl, nabatid na gagampanan ni Jasmine ang karakter ni Lt. Moira Defensor, habang si Rocco ang magbibigay-buhay sa role ni Sgt. Diego Ramos na magiging best friend ng karakter ni Dingdong na siyang gaganap bilang si Big Boss na ginampanan ni Korean superstar Song Joong Ki.

Sa isa pang IG post ng GMA PR, inihayag nga ang kasunduan sa pagitan ng Kapuso Network at AFP.

Susuportahan ng militar ang bagong serye ni Dingdong dahil nga tungkol ito sa buhay ng mga magigiting sundalo ng bansa.

“NOW HAPPENING: GMA Entertainment Group inks partnership with the Armed Forces of the Philippines to ensure viewers nothing short of the best execution for its highly-anticipated upcoming series, Descendants of the Sun,” ang caption sa litrato ng GMA executives at AFP officials.

Makakasama rin sa DOTS sina Chariz Solomon, Renz Fernandez, Lucho Ayala, Paul Salas at marami pang iba. Ka-join din sa nasabing serye ang dating Kapamilya star na si Jon Lucas.

Samantala, hindi pa rin ina-announce ng GMA kung sino ang magiging leading lady ni Dingdong sa Descendants of The Sun pero may balitang si Jennylyn Mercado raw ang napipisil ng mga bossing ng Kapuso Network para gampanan ang karakter ni Dr. Maxine Kang na binigyang-buhay naman ng Korean actress na si Song Hye Kyo sa original version nito.

Read more...