NAKAHANAP na naman ng rason para ngumawa-ngawa ang isang dating singer na pilit nagpapaka-relevant sa paglabas ng balita na ipina-freeze umano ng Kongreso ang franchise renewal bill ng ABS-CBN.
Lumitanya na naman ang hitad na kung magsalita ay akala mo kung sinong eksperto sa batas. Buti na lang dahil may nagsalita na talagang may K na kumuda tungkol sa isyu at nagpaliwanag na hindi maaaring i-freeze ang franchise ninuman kaya walang dapat ikabahala ang Kapamilya fans.
Sabi ng dating Kabataan Partylist Rep. na si Terry Ridon, dating miyembro ng komite sa House of Representatives na tumitingin sa mga legislative franchise, hindi pwedeng gawin ng Kongreso ang pagpi-freeze ng renewal ng franchise ng isang media company kagaya ng ABS-CBN.
Sa statement niya sa politics.com.ph, sinabi ni Ridon na hindi lang pinakialaman o inaksyunan ng Kamara ang panukalang-batas na magre-renew sa franchise ng Kapamilya network dahil patapos na ang kasalukuyang termino. Muli itong magbubukas sa Hulyo, kung kailan uupo na ang mga bagong kongresista at senador na inihalal noong eleksyon.
Dagdag pa ni Ridon, maaari namang i-file ulit ang renewal ng ABS-CBN franchise ngayong Hulyo, katulad ng iba pang bill na hindi naisalang at naisabatas noong nakaraang Kongreso.
Matapang pa nga ang pagkakasagot ni Ridon sa isyu, dahil aniya, ang Kongreso ay “independent” na sangay ng gobyerno na hiwalay sa pangulo, kaya dapat ay hindi naaapektuhan ang mga desisyon nito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya kung kami lang ang tatanungin, tulad ng matapang na pahayag ni Angel Locsin laban sa isang sawsawerong singer huwag nating hayaan na mawalan ng trabaho ang mga taga-ABS-CBN at huwag munang magkalat ng mga ganitong klaseng balita dahil may siyam na buwan pa bago mag-expire ang franchise ng ABS-CBN.
Huwag patulan ang patutsada ng mga personalidad na lipas na at nais lang sumakay sa isyu para mapag-usapan uli.
Marami pang pwedeng mangyari, at sigurado naman kaming hindi dededmahin ng mga kongresista ang naging kontribusyon ng Kapamilya network sa bansa. Magpaparamdam din malamang ang madlang people na buong suporta sa mga paborito nilang palabas at stars ng Kapamilya.