MUKHANG malabo pa sa ngayon ang pagsasama sa isang proyekto nina Cong. Vilma Santos-Recto at Alden Richards.
Matagal nang pangarap ng writer-director na si Adolf Alix, Jr. na mapagsama sa isang pelikula ang dalawa at balitang may script na siyang inihanda para mabasa ni Cong. Vilma.
Tinanong namin kay Ate Vi ang totoo tungkol sa napapabalitang project nila ni Alden. Tugon niya sa amin via text, “Hindi pa ako open sa script. Nothing is final.
“I really miss doing films. Sana may magandang script na naiiba. Mahal na ang sine ngayon kaya sana may magandang script at maganda ang co-stars.”
“Mapili na ang tao ngayon sa panonoorin. Kakatakot din (gumawa ng basta-bastang pelikula,” dagdag pa ng kongresista.
Huling napanood sa big screen si Ate Vi sa “Everything About Her” with Angel Locsin and Xian Lim kung saan umani rin siya ng mga award.
Nagpapahinga muna siya ngayon matapos ang kampanya nu’ng May elections. Reelected siya bilang congresswoman ng lone district ng Lipa City.
“Break muna sandali bago ang 18th Congress sa July,” saad pa ng Star For All Seasons.