Aiko: Parang pelikula ang buhay ko, kaya sabi ko hinding-hindi na ako magpapaapi sa kahit na sino

KARUGTONG ito ng naisulat namin kahapon tungkol sa ilang detalye sa personal na buhay ni Aiko Melendez na hindi pa nalalaman ng publiko.

Sabi namin sa kanya, nakakaiyak ang kanyuang kuwento pero nakaka-inspire. At dahil nga sa dami ng kanyang pinagdaanan sa buhay, nagbabalak siyang gumawa ng libro, “Gusto ko nga mag-write ng book ng buhay ko, kaso wala namang time.

“Alam mo, kaya siguro pinagtibay na ako ng panahon. Ang dami-daming hindi alam ng tao sa akin, lalo na nu’ng pagdating namin ng Pilipinas, wala kaming kakilala, parang pelikula ang buhay ko. Wala kaming makain noon, grabe!”

Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Aiko, unti-unting nabago ang takbo ng kanyang buhay nang pasukin na niya ang showbiz.

“One day sabi ko hindi na ako magpapaapi, tutulungan ko ang mom ko para hindi na kami mahirapan. Nag-artista ako, nakita ako nu’n ni Tito Ronald Constantino tapos ipinakilala ako kay tito Douglas Quijano (RIP).

“Hindi ko magamit yung surname ng papa Jimi Melendez (dating aktor) ko kasi n’ung panahon na ‘yun hindi pwedeng aminin na may anak siya kaya I was launched as Aiko Paredes kasi kamag-anak ng mom ko ang mga Paredes.

“But sadly, things weren’t that easy. Nakuha ako sa part ng Annalisa nu’n as Monet. At hanggang sa set may isang bata du’n na maimpluwensya tinulak ang ulo ko sa window pumutok, ang daming dugo kaya dinala ako sa hospital ng mom ko.

“Tinahi yung ulo ko. Naalala ko pa ‘yun hanggat sabi ko sa mom ko, ‘Mama next time yung tumulak sa akin balang araw hihingi yan ng help sa atin at tutulungan ko siya para makunsensya.

“True enough nu’ng naging councilor ako nagpunta ‘yung taong ‘yun sa akin nanghihingi ng tulong. Walang kagatol-gatol I helped her. From then on naging matapang at masipag ako, sobra ang drive ko nu’n sa buhay na maiangat ang buhay ng mom ko. Sabi ni mama Elsie Castañeda ko mag aartista ka anak pero mag aaral ka pa din.

“Nakilala ng mom ko stepfather ko si Daddy Dan Castañeda. He became my father. Parang mas pa nga sa totoo na anak ang turing sa akin. Kaya nagpapasalamat ako kasi kung hindi dahil sa kanya siguro hirap kami ng mom ko na itawid ang pag aaral ko,” mahabang kuwento ni Aiko.

Pagpapatuloy pa niya, “Hanggang sa isang araw ipinatawag ako ni Mother Lily (Monteverde), ilo-launch daw ako, bida agad. Sadly, hindi kumita ‘yung movie ko nu’n, akala ko end of the world na para sa amin. But Mother Lily gave me another chance she launched me again via ‘My Pretty Baby.’ Boom! Tthat was the start of my showbiz career gamit-gamit ko na ang surname ng father ko.”

Hanggang sa nabuntis na nga siya ni Jomari Yllana na sikat na sikat din noon matapos makilala bilang isa sa Gwapings, “Na-in love ako kay Jomari, two years of dating, at nabuntis ako nang wala sa oras, I was 24 then. All was new to me, tapos sadly naghiwalay kami. Another failure for me, but that didn’t stop me from praying and hoping na kakayanin ko lahat-lahat.

“Awa ng Diyos si Andre maayos na bata, may mga pagkakamali na minor but hindi ko siya kailanman naging sakit sa ulo.

“Then came Martin (Jickain), my another shot for love, but it didn’t work out again. But I was blessed with a beautiful daughter, si Marthena or my Mimi, kasi nga parang mini-me. Napakatalinong bata, nakikita ko ang sarili ko sa kanya na fighter. Sila ang naging strength ko para mas maging maayos ang buhay ko.

q q q

Inamin din ng aktres na maraming nanghusga sa kanya, “When you have that kind of obligation sometimes out of emotions nagkakaroon ka ng choices na mali sa paningin ng tao.

“Huhusgahan ka, na papalit-palit ng karelasyon, hindi makuntento. Ang tanging masasagot ko lang is wag n’yo ako i-judge maraming nangyari sa buhay ko na hindi n’yo aakalaing pinagdaanan ko.

“Nasira ang mukha ko noon, natalo sa elections. Tapos mali na naman pagdating sa relasyon. Pero hindi ibig sabihin nu’n masama na akong tao. Iisa lang ang prinsipyo ko sa buhay, kailan man hindi ako makakalimot lumingon kung saan ako galing, nang walang ginamit o tinapakang tao. Kaya siguro si Lord Jesus hindi napapagod sa kaka-bless sa akin hanggang ngayon.

“Sino ang mag-aakala na sa edad kong 43 ang dami ko ng awards, ang dami ko na ring natulungan nu’ng nasa politics ako. Sino rin ang mag-aakala na hanggang ngayon nakatayo pa rin ako kahit maraming problema,” aniya pa.

Hindi rin nakalimutang batiin ni Aiko nitong nakaraang Father’s Day ang kasalukuyan niyang karelasyon na si Zambales Vice-Governor Jay Khonghun, ang taong nagpapasaya at nagbibigay-kulay sa kanya ngayon bukod sa dalawang anak.

Read more...