ISA sa mga pinakabobong desisyon ng korte ay ‘yung ginawa ni Bacolod City Regional Trial Court Judge Philadelfa Pagapong-Agraviador.
Sinentensiyahan ni Agraviador si PO3 Nicolas Tancinco Jr. ng kasong homicide sa pagkakapatay kay SPO3 Maximiano Zarsuelo III sanhi ng kanilang pag-aaway sa loob ng isang bar sa Bacolod City.
Nagsimula ang away sa murahan ng isa’t isa na humantong sa suntukan.
Maya’t maya ay tinutukan ni Zarsuelo si Tancinco ng baril at astang kakalabitin na ang gatilyo.
Pero mabilis si Tancinco sa draw, naunahan niya sa Zarsuela na binaril niya ng tatlong beses.
Kahit na isang hindi abogado ay alam na self defense ang ginawa ni Tancinco.
Pero hindi binili ng judge ang depensa ni Tancinco sa korte na ipinagtanggol lang niya ang kanyang sarili.
“If the accused wanted to defend himself from Zarsuela he could have shot him in the foot or in the hand holding the gun,” sabi ni Judge Agraviador sa kanyang desisyon.
Huh!
Mukhang maraming napapanood si Judge ng cowboy movies kung saan binaril ng bida ang kontrabida sa kamay nang maunahan nito ang kalaban sa draw sa isang saloon.
Nabuhay ang kontrabida dahil sa kamay lang siya nasugatan.
Pero hindi ganoon ang nangyayari sa isang tunay na barilan, Judge.
Kapag ikaw ay tinutukan ng baril ng iyong kalaban na intensiyon kang patayin, kelangang itigil mo ang kanyang aggression.
At kung ikaw ay armado rin, ang pagtigil sa
iyong kalaban ay pagbaril sa kanya ng tatlong beses sa gitna ng kanyang dibdib.
Sa gitna ng dibdib kasi nakalagay ang puso, ang killing zone.
‘Yan ang ginawa ni Tancinco kay Zarsuelo.
Hindi praktikal ang pagbaril sa kamay o paa ng kalaban sa tunay na barilan dahil siya’y makakaganti pa sa iyo at baka ikaw pa ang mapatay.
Nang binaril ni Tancinco ng tatlong beses si Zarsuelo sa dibdib, ibig lang niya itong patigilin sa kanyang pagiging bayolente.
Kung napatay man si Zarsuelo ay hindi kasalanan ni Tancinco.
Si Judge Agraviador, na nagdududung-dunungan sa larangan ng barilan, walang alam tungkol sa baril.
Dapat ay kumonsulta siya sa mga abogado sa Bacolod City na eksperto sa baril.
Hindi naman pagpapakita ng kabobohan ang magtanong sa ibang tao ng tungkol sa mga bagay na hindi mo alam.
Kung nagtanung-tanong lang si Agraviador sa mga abogadong eksperto sa baril, baka di siya pinagtatawanan ngayon.
Kung susuportahan ng mga justices sa Court of Appeals na didinig sa appeal ni Tancinco ang desisyon ni Agraviador, kasing bobo sila ng judge.
Hindi lang magandang asal ang tinuturo ng bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Chief Supt. Marcelo Garbo Jr. sa kanyang mga pulis.
Tinuturuan din niya ng tamang kaayusan sa katawan.
Ayaw ni Garbo, na graduate ng Philippine Military Academy (PMA), ang mga pulis na balbas sarado at bigotilyo.
Pinagalitan ni Garbo si PO1 Michael Castellano, isang bagitong pulis sa Quezon City, dahil nakita niya itong may balbas-pusa.
Ibig sabihin, manipis lang ang balbas ni Castellano.
Gustong ipakita na siya’y macho, pero balbas-pusa lang ang tumutubo sa kanya.
Noong mga nakaraang araw, napabalita na ipinagbabawal ni Garbo na mangulangot sa publiko ang pulis na naka-uniporme.
Ipinagbabawal din ng bagong NCRPO chief na magkamot ng kanilang bayag ang mga unipormadong pulis sa harap ng maraming tao.
Que barbaridad!