23 estudyante nag-collapse sa graduation sa Northern Samar

BINATIKOS ng mga netizen ang mga opisyal ng University of Eastern Philippines matapos naman ang insidente ng mga hinimatay na mga estudyante  sa gitna ng programa para sa 58th Commencement Exercises nitong Sabado.

Sinisi ng mga netizens ang pagpapalit ng iskedyul para sa graduation ceremonies.

Sinabi ni Ronnie Ballado, head ng  UEP’s student affairs department na pinalitan ang oras ng graduation para makadalo si Sen. Cynthia Villar ganap na alas-10 ng umaga.

Sinimulan ang pamamahagi ng diploma nang dumating si Villar ganap na alas-9:45 ng umaga.

Matapos ang kanyang talumpati sa harap ng 2,361 estudyante, na umabot ng 30 minuto, hindi na tinapos ni Villar ang programa at umalis na dahil sa may nakatakda pa siyang daluhan.

Sinabi naman ng staff ni  Villar na si  Candy Buenaventura na marami nang hinimatay na mag-aaral bago pa man dumating si Villar.

Sa  Facebook page ng university campus paper na  “The Pillar”, sinabi nito na 23 ang hinimatay  “due to complaints of dizziness, diarrhea, headache, and difficulty in breathing.”

Dinala ang mga hinimatay sa university clinic, kung saan sinabi ng  university doctor, na si  Elizabeth Dubongco, na ito ay dahil sa  “too much exposure to heat.”

Umabot ang temperatura sa Catarman sa 34 degrees Celsius, na may  heat index na  40 degrees Celsius.

Idinagdag ng UEP na binatikos din ng mga netizens ang pagbebenta ng payong at pamaypay sa graduation sa halagang P100 kada isa.

Nabatid na alas-5 ng umaga pa lamang ay pinapunta na ang mga estudyante sa paaralan, bagamat natapos ang seremonya ala-1 ng hapon.

“This is outright stupidity on the part of the (UEP) administration.,” sabi ng isang post.

“They fully know that the sun’s heat is at its height at 8am to 3pm why would they hold the ceremony at that time? It must have been a nightmare for the (graduates) wearing that toga…”

“Shame on UEP for allowing this to happen”.

Nabatikos naman ng ibang netizen si  Villar sa pagsasabing pinaghintay niya ang mga estudyante sa ilalim ng araw. 

Read more...