Kagawad, helper sugatan sa pamamaril

SUGATAN ang isang barangay kagawad at kanyang helper nang pagbabarilin ng mga armadong naka-motorsiklo sa kanilang restoran sa Alcala, Pangasinan, Biyernes ng gabi.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa paa sina Gabriel Loria, residente’t kagawad ng Brgy. Poblacion West, at helper niyang si Rona Teresa Domingo, 33, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.

Naganap ang insidente dakong alas-8:25, sa tindahan ng lomi at isaw ni Loria sa Poblacion West.

Nagbebenta ng barbeque sina Loria at Domingo sa tapat ng establisimyento nang hintuan at pagbabarilin ng mga armadong naka-motor, ayon sa ulat.

Dinala sila ng mga rumespondeng pulis sa Bayambang District Hospital para malunasan. 

Nakarekober sa crime scene ang pitong basyo ng kalibre-.9mm pistola.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng mga salarin, na agad tumakas matapos ang insidente. 

Read more...