Bea, Lloydie may bagong project kaya nagsu-shooting sa Palawan?

SIGURADONG matutuwa ang fans nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz kung totoo ang balitang muling magsasama sa isang project ang dating magka-loveteam.

Kumalat kasi sa social media ang mga litrato nina Bea at Lloydie na kuha sa El Nido, Palawan kung saan umano nagsu-shooting ang dalawa para sa bago nilang proyekto together.

Ayon sa ilang netizens, hindi basta chance encounter lang ang pagkikita ng former Kapamilya loveteam dahil nga makikita rin sa mga litrato pati na sa ilang video na nai-post sa Instagram na may kasama silang staff and crew.

Sa isang video na napanood namin, makikitang magkaharap na nakaupo sina John Lloyd at Bea sa puting mesa at upuan at na napapaligiran sila ng mga puno at halaman.

Nakita rin sa video ang comedian-host na si Jun Sabayton na siyang nagdidirek kina Bea at Lloydie. Mapapanood din ito habang kinakausap ang ilang batang nasa set.

Makikita naman si John Lloyd na nakangiti lang habang nagbibigay ng instructions si Jun para sa blocking ng mga batang kasama nila ni Bea na hinawakan pa ang isa para ilapit sa kanya.

May isa pang litrato kung saan nakapuwesto naman sina John Lloyd at Bea sa isang stage na parehong nakayapak. Makikita rin sa photo ang isang mic na nakapwesto sa gitna ng dating magka-loveteam.

Base sa comments ng mga netizen, kuha raw iyon sa Barotuan Church, El Nido, Palawan. Wala namang ipinost sina Bea at Loydie sa kani-kanilang social media accounts tungkol sa ginagawa nilang project.

Pero sure na sure kami na ngayon pa lang ay excited na ang madlang pipol kung ano ang bagong pasabog ng dalawang Kapamilya stars. Magkakaroon na nga ba ng reunion sina Basha at Popoy, ang mga classic character nila sa blockbuster movie na “One More Chance”?

 

Read more...