Motor nakipag-karera, sumalpok sa bus: 3 patay


TATLONG lalaki ang nasawi matapos sumalpok ang sinakyan nilang motorsiklo sa pampasaherong bus sa Toboso, Negros Occidental, Huwebes, ayon sa pulisya.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlo, na nakipagkarera sa isa pang motor nang maganap ang insidente, ani Maj. Edison Garcia, tagapagsalita ng Negros Occidental provincial police.

Naganap ang insidente sa Sitio Curva Hagnaya, Brgy. Tabun-ac, dakong alas-8:15.

Ayon kay Ssgt. Jolleben Niniel, traffic investigator ng Toboso Police, palapit sa kurbada ang motor ng tatlo nang sumalpok sa Ceres bus na bumibiyahe mula Bacolod City patungong San Carlos.

“Base sa investigation, nakipagkarera sila sa isa pang motor then nag-overtake sila while approaching curve tapos di na nakabalik, hanggang sa ‘yun, tumama na sila sa bus,” sabi ni Niniel nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.

“‘Yung isa sa mga sakay ng motor ay dead on the spot, yung isa dead on arrival sa ospital, at ‘yung isa pa sinubukan pang i-revive pero declared dead after abut 1 hour,” aniya pa.

Isinailalim sa kostudiya ng pulisya ang bus driver na si “PG” Palarion, 25, residente ng Calatrava, para sa karagdagang imbestigasyon.

Read more...