NATAGPUAN patay ang matandang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay sa San Jose, Camarines Sur, matapos pagnakawan ng mga di pa kilalang salarin, iniulat ng pulisya Huwebes.
Ito ang ikalawang naiulat na walang-awang pagpatay sa mga senior citizen sa loob lang ng isang linggo, matapos ang pagpaslang sa isa ring matandang mag-asawa sa Bulacan noong Lunes.
Pinaniniwalaan na ilang araw nang patay sina Ely, 83, at Nelly Balcueva, 86, kapwa retiradong guro, nang matagpuan ang kanilang mga bangkay Miyerkules, ani Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.
Inulat sa pulisya ng kanilang anak na si Emerita Balcueva-Chavez ang insidente dakong alas-12 ng tanghali, matapos madiskubre ng trabahador niyang si Teody Villanueva ang bangkay ng mga biktima sa loob ng bahay sa Zone 1, Brgy. Kinalansan.
Lumalabas sa imbestigasyon na pinasok ng ilang tao ang bahay matapos sirain ang kahoy na lock ng pinto sa kusina, at nang nasa loob na’y ni-“ransack” ang tahanan, ani Calubaquib.
Napag-alaman din sa pagsusuri na halos isang linggo nang patay ang mga Balcueva, at may natagpuang P25,762 cash sa bag ni Nelly, aniya.
Inaalam pa ng lokal na pulisya ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga salarin, ani Calubaquib. (John Roson)