Bahay pa rin ang pinag-iipunan ng bawat OFW

KAOSHIUNG, Taiwan – Pabahay pa rin ang pinagsisikapan at pinag-iipunan ng mga OFW na nais nilang makamtan habang nagtatrabaho pa sila sa abroad.

Kaya naman naging matagumpay ang kauna-unahang Housing Fair na ginawa ng Manila Economic Cultural Office o MECO-Kaoshiung sa pangunguna ni MECO Director Irene Ng, Labor Attache Resty dela Fuente, Welfare Officer Jun Medina at siyempre ang napaka-energetic na Member Services Officer ng Pag-ibig Taiwan International Operations Group na si Lersa Li kasama ang ilan sa mga kilalang developers mula sa Pilipinas tulad ng MetroLand Realty, Lumina Homes, Altana, Pasinaya Homes.

Dumating din mula sa MECO- Taipei ang mga kinatawan ni Chairman Angelito Banayo na sina Director Eddie Tamondong at Director Burgos.

Ibinalita ni Li na may 30 OFW ang nakabili ng bahay at may halagang 30 milyong piso ang pumasok sa sales ng naturang mga developer sa maikling panahon lamang na naroroon sila.

Mas gusto kasi ng mga OFW natin na sila mismo ang mamimili’ at bibili ng bahay na pag-iipunan nila at unti-unting huhulugan hanggang sa mabayaran ng buo ang naturang proyekto.

Masayang ibinalita rin ni Dela Fuente na masisinop ang mga OFW sa Kaoshiung. Talagang nakapokus lamang ‘anya sila sa pagtatrabaho dahil 12 taon lamang pala ang isinasaad ng batas ng Taiwan na dapat manatili ang isang dayuhang manggagawa doon.

Sa Recognition Night naman, kinilala at pinasalamatan ng MECO Kaoshiung ang mga developers na nakibahagi at nakasama ring tumanggap ng pagkilala ang Pilipinas Online-Bantay OCW dahil sa 22 mga toan na paglilingkod ng programang ito para sa mga OFW kung saan nakasama din mismo si Labatt dela Fuente nang sinisimulan noon ang Bantay OCW program. Salamat po sa inyo Labatt Resty.

Masayang emcee naman ang kanilang case officer na si Mira Martha Huang at talagang buhay na buhay ang kanilang maghapon hanggang gabing programa.

Kitang kita rin ang pagkakaisa, pagtutulungan at malakas na espiritu ng Bayanihan ng mga opisyal at staff ng MECO at ng ating mga kababayan nang tulong-tulong silang nagligpit at nag-dismantle ng mga booth doon.

Napakagandang panoorin na nagrorolyo ng mga carpet sina Dela Fuente at Medina at maging si Director Ng kasama ng maybahay ni Labatt Resty na si Golly, nagwawalis din at nagligpit upang maiwang malinis ang gym na kanilang ginamit.

Leadership by Example nga ang ipinakikita ng mga MECO officials dito sa Kaoshiung, kaya naman walang kaduda-duda na damang-dama sa kanila ang kaligayahan ng paglilingkod sa ating mga kababayan. Nawa’y marami pang mga katulad ninyo ang makasama ng ating mga OFW saan man sa mundo.

Nais ding pasalamatan ng MECO Koshiung ang Landbank, SSS, I-Remit, PLDT, EEC Taiwan, GoldStar at Pinoy Express sa kanilang pakikipagtulungan sa matagumpay nilang 1st Housing Fair.

Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...