Ano ang problema ng TNVS?

NITONG linggo ay sinimulan ng Grab na linisin ang hanay ng kanilang TNVS driver na wala o kulang ang documentation mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Bagaman hindi ako isang fan ng Grab dahil sa totoo lang ay hindi ito maganda at mapangabuso pa sa pasahero ang mga patakaran nila, sa isyu ngayon na kanilang kinakaharap ay sasang-ayon ako sa kanila.

Dapat naman talagang pahintuin sa operasyon ang mga driver na wala o kulang ang papeles. Kung banatan natin at ireklamo ang mga colorum na driver ng taxi, jeep at bus ay ganun na lang, tapos dapat exempted ang mga driver ng TNVS?

Sa kanila mismong salita, inaamin nila na wala silang papeles, kulang ang dokumento nila o naghihintay pa silang aprubahan ng LTFRB. Sa totoo lang, isa sa demands nila ay i-extend ang deadline para mahabol nila ang mga kulang nila.

Ibig sabihin, tulad ng mga colorum, wala silang karapatan sa serbisyong inaalok nila.

Sinisisi nila ang LTFRB dahil mabagal daw, pero ayon kay Atty. Delgra, karamihan ng mga wala pang permit ay kulang ang dokumento kaya nalalagay sila sa likod ng pila.

Sa patakaran ng LTFRB, first come, first served ang prinsipyo sa pag-apply para maging bahagi ng TNVS. At kung kulang ang dokumento mo, balik ka sa likod ng pila.

Ang hilig kasi nating mga Pilipino ang maghain ng documentation na kulang-kulang o yung “puwede na ‘yan!” Lagi natin iniisip na pagbibigyan naman tayo dahil “mahirap lang tayo!”

Pero sa kaso ng public service sa transportation, kailangang ligtas at maayos ang mga driver natin dahil buhay at kaligtasan ng publiko ang nakasalalay rito.

Kapag may malaking banggaan na naman na nangyari sa mga pulpol na driver ng TNVS, sasabihin naman ng mga kritiko kasalanan ng LTFRB dahil pinabayaan nila makabiyahe ang pulpol na driver.

Pero kapag ganitong mga 8,000 kulang ang dokumento na magrereklamo dapat pagbigyan naman daw ng LTFRB sabi ng parehong kritiko.

Ang tanong ko lang, alin ang mas importante? Ang buhay at kaligtasan ng mga pasahero o ang mga tamad na TNVS drivers na hindi man lang makahanap ng sipag na kumpletuhin ang dokumento nila?

Mas importante ba ang mga kinikita ng driver na walang papeles kaya kaskasero o ang mga pasaherong nagbabayad sa kanila?

Hanap kayo ng hanap ng maayos, mabilis at disiplinadong lansangan, pero simpleng patakaran sa pagkuha ng permit di kayanin ng disiplina ninyo.

At ang mas nakakainis, titira pa kayo ng rally na nakakaperwisyo sa mga motorista at pasaherong dapat pinagsisilbihan ninyo.

Para sa komento o suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...